MANILA, Philippines- Tumuga ang isang indibidwal at umamin na responsable sa kamakailan lamang na cyberattacks sa ilang government websites.
Sa isang recorded video message na naka-post sa X, dating Twitter, isang account na nagngangalang ‘Diablox Phantom’ ang humingi ng paumanhin sa mga naapektuhan ng kanyang ginawang pangha-hack.
Kinumpirma naman ni DICT spokesperson Assistant Secretary Aboy Paraiso na batid ng DICT ang personalidad na ito.
“There is an ongoing investigation by the CICC (Cybercrime Investigation and Coordinating Center) for proper attribution of his identity and his claims,” ayon kay Paraiso.
Sa kabilang dako, inamin at inangkin ng indibidwal na siya ang nasa likod ng cyberattacks.
Iyon nga lamang ay wala siyang planong ibenta ang datos na kanyang nakolekta mula sa hacking.
Kabilang sa ‘systems’ na biktima ng hacking ay ang Philippine Statistics Authority (PSA), Philippine National Police (PNP), at Department of Science and Technology (DOST).
“Maasahan niyo na buburahin ko ang data na hawak ko. Pagkatapos ng insidenteng ito wala na pong Diablox Phantom ang mabubuhay sa cyberspace,” pahayag ni Diablox Phantom.
Sinabi pa niya na “out of passion” kaya ginawa niya ang pagsira sa ‘government system.’
“Pangha-hack ko sa website ng gobyerno ay passion ko lamang po ito at wala pong ibang nagtutulak sa akin na gawin po ito,” ayon kay Diablox Phantom.
Binigyang-diin pa ni Diablox Phantom na dapat na bigyang-importansya ng pamahalaan ang cybersecurity.
Nauna rito, sinabi naman ni DICT Undersecretary Jeffrey Dy na ang suspek na nag-post at nag-leak ng datos mula PSA at DOST ay pareho.
Sinabi pa ng DICT na posibleng local hacker ang nasa likod ng hacking. Kris Jose