Home METRO DICT, PNP crime reporting app inilunsad, pinakamalapit na pulis maaalerto

DICT, PNP crime reporting app inilunsad, pinakamalapit na pulis maaalerto

MANILA, Philippines – Inilunsad nitong Miyerkules, Disyembre 6, ang crime-reporting app mula sa Philippine National Police (PNP) at Department of Information and Communications Technology (DICT) na makatutulong na ialerto ang pulis na pinakamalapit sa lugar ng insidente.

Sa ulat, ang pilot test ng iReport at eReport ay opisyal na inilunsad sa San Juan nitong Miyerkules.

“Mas mabilis na. Hindi na kinakailangang hintayin na tumawag yung nangangailangan ng tulong ng pulis. Once a crime is reported, the first 3 police officers closest to the crime scene kung saan nanggagaling yung signal ng app ay makakatanggap ng notification,” sinabi ni San Juan City Mayor Francis Zamora kasabay ng memorandum signing sa pagitan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na sangkot sa proyekto.

Ang bagong app ay joint DICT-PNP project sa ilalim ng eGOVPH superapps, isang single operating platform ng pamahalaan na nagbibigay ng pagkakataon sa users na makakuha ng frontliner services ng pamahalaan gamit ang kanilang cellphone.

Ayon sa mga awtoridad, ang app sa cellphone ay magbibigay ng “seamless approach” sa mga user nito at PNP kaugnay sa crime reporting at response.

Bilang chairman ng Regional Peace and Order Council, sinabi ni Zamora na malaking tulong ang naturang app para sa pananatili ng kapayapaan at kaayusan sa Metro Manila.

“There will be a feedback mechanism para malaman natin ano talaga yung crime, kung gaano karami yung crime na nangyari,” pahayag naman ni Police Brigadier General Neil Alinsangan, PNP Information and Communication Technology Management- Acting Director.

Siniguro ng DICT na tanging mga lehitimong report lamang ang maiuulat sa aplikasyon.

“Merong verification process. Naka-link national ID natin so mga legit lang pwedeng gumamit ng apps. Legit users lang din ang magre-report. So wala na pong prank users,” ani DICT Undersecretary David Almirol Jr.

Target ng mga awtoridad na ilunsad ang naturang application sa iba pang lungsod sa Metro Manila, kasunod ng iba pang mga lugar sa buong bansa. RNT/JGC

Previous articleLabi ng 2 binitay na Pinoy sa China, iuuwi na ngayong linggo – DFA
Next articleBomb threat sa 6 na gov’t agencies, paaralan ‘false alerts’