MANILA, Philippines- Pinalutang ni Senador Bong Go nitong Martes ang ideya na gawing anti-drug czar ng administrasyon si dating Pangulong Rodrigo Duterte, na naglunsad ng drug war noon.
Sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs sa P6.7 billion shabu haul sa Maynila noong nakaraang taon, tinanong ni Go si Philippine National Police (PNP) Chief Police General Benjamin Acorda kung naisip nitong makatutulong ba si Duterte kung maitatalaga itong bilang anti-drug czar.
“Kung saka sakali lang…prerogative naman ‘yan ng Presidente, ang appointing authority, kung saka sakali lang, makakatulong ba kung itatalagang drug czar si dating Pangulong Duterte?” tanong ni Go kay Acorda.
Bilang tugon, sinabi ni Acorda na kanyang susuportahan ang anumang hakbang na makatutulong sa kampanya ng gobyerno laban sa illegal drugs.
“I don’t know if I can comment on that kung ano ang magiging setup [what the setup would be], but anything on the campaign against illegal drugs, I will be supportive,” ayon sa PNP chief.
Itinanong ito ni Go matapos mabahala sa masasayang ang pagkilos ng Duterte administrasyon dahil sangkot pala ang ibang miyembro ng pulisya sa “recycling” ng kumpiskadong droga.
Advertisement