Home HOME BANNER STORY Digong kay Bongbong: Magpa-drugtest!

Digong kay Bongbong: Magpa-drugtest!

MANILA, Philippines – Hinamon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na sumailalim sa drug test sa publiko upang patunayan na hindi siya gumagamit ng droga.

“Set it in Luneta Park, magpakuha siya ng dugo doon [from] independent entity or doctor. Magpakuha rin ako, sige pati ako. Pakuha siya ng blood test,” ani Duterte sa isang press briefing sa Davao City.

Bukod pa rito, sinabi ni Duterte na  isang opisyal ng Gabinete ang kasama pa umano ni Marcos na gumagamit ng cocaine.

Aniya pa, na kapag nakuha umano niya ang listahan ng PDEA na nagpapakita na kasama umano sa drug watchlist nila si PBBM ay isasapubliko niya ito.

Nauna nang iginiit ng PDEA na kailanman ay wala sa listahan nila si PBBM.

Ang mga bagong pahayag ni Digong ay bunsod ng hamon ni Speaker Martin Romualdez, pinsan ni Marcos, na patunayan niya ang mga akusasyon nito kay Marcos sa paglabas ng ebidensya.

Matatandaang sa isang prayer rally sa Davao City noong Linggo, tinawag ni Duterte si Marcos na “bangag” at inakusahan siya bilang isang adik sa droga, habang binabalaan niya ang administrasyon laban sa pag-amyenda sa Konstitusyon upang mapanatili ang kanilang sarili sa kapangyarihan.

Pinagtawanan lang ni Marcos ang akusasyon, sinabing ito ay maaaring epekto ng fentanyl, isang droga na inamin ni Duterte na kinuha sa kanyang termino bilang pangulo.

Ayon sa United States Drug Enforcement Administration, ang fentanyl ay isang potent synthetic opioid na gamot na inaprubahan ng Food and Drug Administration para gamitin bilang pain reliever at anesthetic. RNT

Previous articleAmihan, buntot ng LPA magpapaulan sa Luz-Vi
Next articleP56.6M lotto jackpot nasolo!