MANILA, Philippines- Balewala kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ang plano ni dating senator Leila de Lima na makipag-ugnayan sa International Criminal Court (ICC) na in iniimbestigahan ang una sa umano’y mga krimen nito sa war on drugs campaign ng dating administrasyon.
Sa isang panayam nitong Miyerkules ng gabi, hinamon ng dating chief executive ang mambabatas maging ang ICC.
“Dito sa ICC, magsama-sama na kayo ng ICC, iha,” giit niya.
“Come, come,” patuloy niya, na tinutukoy ang kasalukuyang imbestigasyon ng ICC sa kanyang drug war campaign.
Nauna nang inihayag ng kampo ni De Lima na balak ng dating senador na makipagtulungan sa ICC dahil nais niyang ipagpatuloy ang kanyang adbokasiya sa karapatang pantao at sa rule of law. Isa rin siya sa mga nagkasa ng imbestigasyon sa drug war sa kanyang panunungkulan.
Nanawagan ang dating senador sa Marcos administration na muling ikonsidera ang pag-anib sa ICC.
Samantala, wala namang komento si Duterte sa paglaya ni De Lima nitong Linggo.
“I would not want to question the wisdom of the court in granting—sa judge ‘yan. I will not discuss,” giit niya.
Pinayagan ng Muntinlupa Regional Trial Court nitong Lunes ang petition for bail ng dating mambabatas sa kanyang ikatlo at huling drug charge. Nakalaya siya sa parehong araw matapos ang halos pitong taong detensyon sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center.
Iginiit ni De Lima at ng kanyang mga kaalyado na gawa-gawa lamang ng dating presidente ang mga bintang sa kanya. Kilala siyang kritiko ng dating Pangulo.
Sa tatlong drug charges na inihain laban kay De Lima, naibasura na ang dalawa sa pamamagitan ng demurrer of evidence noong February 2021 at lack of merit of the prosecution’s case nitong May 2023.
Inamin ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na posible ring ibasura ang huling kaso ni De Lima kasunod ng pagpayag sa bail plea. RNT/SA