Home HOME BANNER STORY Digong pinagpapaliwanag sa grave threat complaint na inihain ni Castro

Digong pinagpapaliwanag sa grave threat complaint na inihain ni Castro

MANILA, Philippines- Sa unang pagkakataon mula nang bumaba siya sa pwesto, ipinatawag si dating Pangulong Rodrigo Duterte upang sagutin ang mga alegasyon nggrave threats na inihain laban sa kanya ni ACT Teachers party-List Rep. France Castro.

Nagpalabas si Quezon City Senior Assistant City Prosecutor Ulric Badiola ng subpoena na nag-uutos kay Duterte “to appear before the Office of the City Prosecutor, Justice Cecilia Muñoz Palma Building (Department of Justice), Elliptical Road, Quezon City” sa Dec. 4 at 11, 2023, alas-2:30 ng hapon.

Inatasan din ang dating presidente na magsumite ng kanyang counter-affidavit bilang tugon sa grave threats complaint na isinampa ni Castro, kasama ang affidavits ng kanyang mga testigo at iba pang supporting documents.

“No motion to dismiss shall be entertained. Only Counter-affidavit shall be admitted. Otherwise, Respondent/s is/are deemed to have waived the right to present evidence. Furthermore, no postponement shall be granted unless for exceptionally meritorious grounds,” saad sa subpoena na may petsang Oct. 27, 2023. 

Ipinatawag din si Castro, maging ang kanyang mga testigo, upang pagtibayin ang “veracity and truthfulness of the allegations” sa kanilang mga salaysay.

Nag-ugat ang reklamo sa umano’y pagbabanta ni Duterte laban kay Castro, na umere sa national television at napanood din online. 

Sa Oct. 11 episode ng kanyang TV program Gikan sa Masa, Para sa Masa sa SMNI News Channel, ibinahagi ni Duterte ang payo niya sa kanyang anak na si Vice President Sara Duterte, kung paano gagamitin ang confidential at intelligence funds. 

“Pero ang una mong target d’yan [sa] intelligence fund mo, kayo, ikaw France, kayong mga Komunista ang gusto kong patayin,” wika niya.

Bagama’t “France” lamang ang nabanggit sa pahayag, sinabi ni Castro na naramdaman niyang siya ang pinatutungkulan dahil nauna nang binanggit ang buo niyang pangalan sa panayam.

“Talagang nakita ko na ako talaga yung tinutukoy niya doon sa kanyang programa dahil may kinalaman ito doon sa mga subjects na related doon sa ginagawa natin sa Kongreso,” pahayag niya.

“Tingin ko kaugnay ito sa ginampanang role sa Kongreso — pagbusisi sa confidential funds na nagbunga ng pagkatanggal, pagka-realign ng budget,” dagdag ng mambabatas.

Kilala si Castro at dalawa pang Makabayan bloc representatives na kritiko ng hirit na confidential at intelligence funds ni Vice President Duterte, na binawi niya kamakailan. RNT/SA

Previous articleMichelle, may kakaibang intro!
Next articleMga sikat na aso sa kasaysayan tampok sa special stamps ng PHLPost