Home HOME BANNER STORY Digong sa akusasyong pagbibigay ng armas ni Quiboloy: Ako pa magbigay ng...

Digong sa akusasyong pagbibigay ng armas ni Quiboloy: Ako pa magbigay ng kanyon sa kanya

MANILA, Philippines – Itinanggi ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na minsang nakatanggap sila ng kanyang anak na si Vice President Sara Duterte ng mga baril mula kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy, na inakusahan ng isang saksi sa Senado.

“Kami magtanggap ng baril kay Pastor Apollo Quiboloy? Ako pa mag-deliver sa kanya ng kanyon bukas, o machine gun,” ani Duterte sa isang press conference sa Davao City nitong Martes ng gabi, Pebrero 27.

Tinawag din ng dating pangulo ang akusasyon bilang “kalokohan.”

“Bakit pa si Pastor ang magbigay ng baril sa akin? Saan siya magkuha? Kung magsabi siya wala siyang baril, bigyan ko siya,” ani Duterte.

Isang dating landscaper ng Quiboloy na kinilala lamang bilang “Rene” ang tumestigo sa harap ng komite ng Senado noong Pebrero 19 na minsan niyang nasaksihan si Duterte at ang kanyang anak na babae na tumanggap ng “mga bag ng baril” mula sa kontrobersyal na lider ng relihiyon sa Davao City.

Ibinasura ni Bise Presidente Duterte ang bintang bilang mga “pag-atake” lamang laban sa kanya, posibleng ng mga gustong maging susunod na pangulo ng bansa. Hindi na rin daw siya magtataka kung marami pang testimonya laban sa kanya in the future.

Si Quiboloy at ang KOJC ay iniimbestigahan ng Senado kaugnay ng umano’y sexual abuses at human trafficking activities.

Naglabas na ng subpoena ang Senado laban kay Quiboloy, na itinanggi ang mga akusasyon laban sa kanya at nagpahayag ng walang interes na lumahok sa imbestigasyon ng kamara.

Sa kanyang press conference, sinabi ni Duterte na hindi maaaring pilitin ng subpoena si Quiboloy na dumalo sa pagdinig ng Senado, ayon sa ulat ng Unang Balita.

Sinabi rin ni Duterte na hindi niya alam kung saan nagtatago si Quiboloy. RNT

Previous articleTeves nasa INTERPOL red notice list na
Next articleAnnabelle, papangalanan na ang sasampalin at sasabunutan!