MANILA, Philippines – KINUMPIRMA ng Department of Education (DepEd) ang umiiral at umiikot na memo sa social media na nagbibigay atas na baguhin ang “Diktadurang Marcos” at gawin na lamang “diktadura” na matatagpuan sa Grade 6 Araling Panlipunan curriculum.
“I confirm that indeed there was a letter that was sent to the Office of Undersecretary for Curriculum and Teaching. This was made by our Bureau of Curriculum Development (BCD) specialist. This was submitted to my office and forwarded to the Office of Undersecretary for Curriculum and Teaching,” ayon kay DepEd Bureau of Curriculum at Teaching director Joyce Andaya.
“That’s part of our internal processes. Our BCD specialist can really express themselves, and we respect their stand on curricular issues,” dagdag na wika nito.
Gayunman, nilinaw ni Andaya na ang memo ay mananatiling sasailalim sa vetting process sa panahon ng pilot implementation ng revised K-10 curriculum ngayong taon.
Ang paliwanag nito, ang curriculum review process ay “iterative.” dahilan upang hanggang ngayon ay wala pa ring nabubuong consensus ang DepEd sa kung ano ang dapat na makita sa pinal na curriculum document na ia-upload sa official website nito.
“Meron pa rin tayong pagkakataon na tingnan ulit ang curriculum ng ating mga nag-aaral, ng ating mga guro, at ng iba nating kasamahan sa education sector at kung merong mga changes or mga comments tungkol dito, susuriin po ulit natin,” ayon kay Andaya.
Ani Andaya, nais lamang ng BCD na mag-organisa ng curriculum guide, at maaari pa ring mapag-usapan ang mga paksa na may kinalaman sa martial law period, partikular na ang pagpapatupad ng diktadura ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Pinabulaanan din ni Andaya na may intensyon para sa “historical revisionism o i-whitewash ang katotohanan na nangyari noong martial law era.
“Ang pagu-usapan dito ay deklarasyon ng batas militar, pagpapatupad ng diktadura, epekto ng diktadura, pagkawala ng mga institusyong demokratiko, malayang lehislatura, paghina ng ekonomiya, paglabag sa karapatang pantao, ill gotten wealth, paglaban sa diktadura, mga kilos laban sa diktadura, at pagpaslang kay Ninoy Aquino,” ayon kay Andaya.
“Hindi maaring hindi banggaitin ang pangalang Ferdinand Marcos Sr. sa pagtalakay ng paksa ukol sa diktadura,” aniya pa rin.
Samantala, wala namang political pressure mula sa kasalukuyang administrasyon para irekumenda ang pag-alis o pagtatanggal ng pangalang “Marcos” mula sa “diktadurang Marcos” sa Araling Panlipunan subject sa ilalim ng revised K-10 curriculum.
Binigyang-diin ni Andaya na ang pagtanggal o pagbabago sa ‘nomenclature’ ay “purely an academic discussion.”
“Wala pong pressure na kahit na ano na binigay sa amin para tignang muli ang curriculum. Ito ay isang proseso na aming pinapatupad dito sa Curriculum and Teaching strand. It is an academic discourse that we always observe and follow as we review and revise the curriculum,” ani Andaya.
Sa ulat, tinuligsa ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) at Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND) ang pagtatanggal ng pangalang ‘Marcos’ mula sa terminong “Diktadurang Marcos.” Kris Jose