MANILA, Philippines – Nagpadala ang Department of Interior and Local Government (DILG) ng kabuuang 1,800 emergency personnel upang tumulong sa mga biktima ng lindol sa Davao Region.
Ayon sa DILG, inatasan na ang lahat ng attached agencies nito na magbigay ng suporta sa mga apektadong lugar.
“Kahapon ay inatasan na ang lahat ng kinauukulang mga ahensya sa ilalim ng DILG, para magsagawa at maghatid ng mga kinakailangang tulong sa mga kababayan nating naapektuhan ng pangyayari,” saad sa pahayag ng DILG nitong Sabado, Nobyembre 18.
Idinagdag pa ng ahensya na nakatanggap na rin ng direktiba ang Bureau of Fire Protection para magsagawa ng post-quake damage assessment at magpadala ng medical assistance sa mga apektadong indibidwal.
Nasa kabuuang 292 fire trucks, 17 ambulansya, at 9 na rescue trucks ang ipinadala na rin para umasiste sa mga biktima.
“Sa lahat ng ito, tinitiyak ko ring nakatutok ang ating mga local chief executives at kapulisan para siguruhin ang kaligtasan at alalayan ang ating mga kababayan doon. Nananawagan din ako sa mga apektadong residente na patuloy na mag-ingat lalo na sa inaasahang mga aftershocks at sumunod sa abiso ng kanilang mga lokal na opisyal,” dagdag pa sa pahayag.
Matatandaan na tumama ang magnitude 6.8 na lindol sa Davao Region nitong Biyernes, Nobyembre 17. RNT/JGC