Home NATIONWIDE DILG nais ng mas mahigpit na akreditasyon ng fire brigade

DILG nais ng mas mahigpit na akreditasyon ng fire brigade

MANILA, Philippines – Ipinag-utos ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. nitong Biyernes, Agosto 18 sa Bureau of Fire Protection (BFP) na magpatupad ng mas mahigpit na panuntunan sa akreditasyon sa lahat ng volunteer fire brigades.

“Ang sabi ko kay Chief (BFP chief Fire Director Louie Puracan) ay i-review ang present guidelines sa accreditation, lalo na ang qualification ng driver (no record on reckless driving, accidents, use of drugs, etc). Dahil nga ‘pag may emergency, mabilis ang takbo ng mga sasakyan at baka makaaksidente,” pahayag ni Abalos.

Sinabi rin ni Abalos na ang lahat ng miyembro ng volunteer fire brigades ay sumailalim sa seminar at pagsusulit sa emergency driving.

Ang kautusan ay kasunod ng pagkasawi ng isang lola sa Maynila at pagkasugat ng walo iba pa makaraang mabangga ng rumirespondeng volunteer fire truck noong Lunes.

Kinilala ang drayber ng fire truck na si Rodolfo Pineda, 27-anyos, na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, physical injuries at damage to property.

Sinabi rin ni Abalos na ang volunteer fire truck drivers ay dapat na sumailalim sa drug test at
neuropsychiatric exams upang masigurong angkop silang magmaneho ng fire truck sa mga ganitong sitwasyon.

Idinagdag din niya na siguruhin ng BFP ang pagpapatupad at pagsiguro na ang mga fire truck ng volunteer fire brigades ay “mechanically safe, sound and suitable for operation.”

Dapat ding patuloy na obligahin ang mga ito na sumailalim sa training sa fire prevention, fire supression, at iba pang kakayahan.

Samantala, nagpaabot naman ng pakikiramay si Abalos sa pamilya ng nasawing biktima dahil sa insidente at hinimok ang concerned volunteer fire brigade association na tulungan ang mga nasaktan. RNT/JGC

Previous articleLalaki tinarakan sa leeg ng holdaper, todas
Next articleTINGNAN: Dating Manila Vice Mayor Danny Lacuna, inilibing na