Home NATIONWIDE DILG susunod sa utos ni PBBM sa ICC probe

DILG susunod sa utos ni PBBM sa ICC probe

MANILA, Philippines – SINABI ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na susunod ito sa sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na walang hurisdiksyon ang International Criminal Court (ICC) sa Pilipinas at hindi makikipagtulungan ang gobyerno sa imbestigasyon ukol sa “war on drugs” ng nakalipas na administrasyon.

Nauna nang iginiit ng Pangulo na hindi nito kinikilala ang hurisdiksyon ng ICC at kinonsidera ito bilang banta sa soberanya ng bansa.

At kung ang ICC ayon kay Pangulong Marcos ay kumokontak sa mga ahensiya ng gobyerno gaya ng police personnel at local government, sinabi nito na inatasan na niya ang mga ito na huwag makipagtulungan sa mga kinatawan ng international body.

“We will follow the lead of the President,” ang pagsusog naman ni Abalos sa pahayag ng Pangulo.

At kung sakali naman ayon kay Abalos na nakita at nakapulong niya ang kinatawan ng ICC, ipapaalam niya sa international body na pinaninindigan ng Pilipinas ang “transparency” at bilang isang demokratikong bansa, sumusunod ito sa lahat ng batas.

Matatandaang, pinahintulutan ng International Criminal Court ang hiling ng Prosekusyon na ipagpatuloy ang imbestigasyon sa madugong drug war sa bansa.

Ayon sa pahayag na inilabas ng ICC Pre-Trial Chamber noong Enero 26, 2023, sinabi ng korte na hindi sila kumbinsido na seryoso ang gobyerno ng Pilipinas na imbestigahan ang mga patayang naganap sa “war on drugs.”

Napaulat naman na nagsagawa ng pagsusuri sa war on drugs ang Department of Justice sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, at sa pamumuno ng noo’y justice secretary at ngayo’y solicitor general, Menardo Guevarra.

Hiniling din noon ng gobyerno na itigil na ng ICC ang imbestigasyon dahil may kakayahan naman daw itong magsagawa ng sariling pagsisiyasat at pagsasampa ng kaso.

Dahil dito, pansamantalang ipinahinto ng ICC ang kanilang imbestigasyon noong Nobyembre 2021 subalit ayon sa ICC- matapos nilang suriin ang mga ebidensya mula sa Philippine Government, ICC Prosecutor at obserbasyon ng mga biktima- hindi sapat at hindi kongkreto ang mga ginawa ng gobyerno ng Pilipinas kaya ipinag-utos nila ang muling paggulong ng imbestigasyon. Kris Jose

Previous articleComelec sa barangay officials: ‘Wag makialam sa signature campaign sa people’s initiative
Next articleBato sa people’s initiative: Para kaming iniisahan