MANILA, Philippines- Pinangalanan ni Pope Francis si Balanga Bishop Ruperto Santos bilang bagong obispo ng Diocese of Antipolo.
Ang pagkakatalaga sa obispo ay inihayag ni Archbishop Charles Brown, Apostolic Nuncio to the Philippines, noong Huwebes.
Itinalaga si Bishop Santos matapos tanggapin ng Vatican ang pagbibitiw ng 75-anyos na si Bishop Francisco de Leon mula sa pastoral governance ng Antipolo diocese, na kanyang pinaglingkuran mula noong 2016.
Isinilang sa San Rafael, Bulacan, ang 65-anyos na si Santos ay naordinahan bilang pari noong 1983 para sa Archdiocese of Manila.
Bago naging Obispo ng Balanga noong Abril 2010, nagsilbi rin siya bilang Rector ng Pontificio Collegio Filippino sa Rome, Italy.
Nakatanggap din siya ng licentiate sa kasaysayan mula sa Pontifical Gregorian University sa Roma noong 1990.
Siya ang kasalukuyang vice chairman ng Episcopal Commission for Pastoral Care of Migrants and Itinerant People (ECMI) ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP). Pinamunuan niya ang Komisyon sa loob ng ilang taon.
Walang petsang itinakda para sa kanyang installation bilang ika-limang obispo ng diyosesis.
Ang Antipolo City ang tahanan ng bagong idineklarang International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage.
Sa kabilang banda, si de Leon ay tumuntong sa 75 taong gulang noong Hunyo 11, 2022, ang mandatory age para sa mga obispo na magsumite ng kanilang pagbibitiw sa Santo Papa ayon sa iniaatas ng batas ng Canon.
Una siyang nagsilbi sa diyosesis bilang auxiliary bishop mula 2007 hanggang Nobyembre 2015 nang italaga siya bilang coadjutor bishop nito.
Noong Setyembre 2016, kinuha niya ang pamumuno ng diyosesis, humalili sa retiradong Bishop Gabriel Reyes. Jocelyn Tabangcura-Domenden