MANILA, Philippines- Ipinagkibit-balikat lang ni Finance Secretary Benjamin E. Diokno ang panawagan ng grupo ng mga magsasaka na magbitiw sila sa pwesto ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan.
Ang apela ng grupong Samahanag Industriya ng Agrikultura (SINAG) ay matapos na ipanukala nina Diokno at Balisacan na tapyasan ang tariff rate sa rice imports bilang tugon sa sumirit na presyo ng mga pangunahing pagkain.
Sa halip na mapikon ay binati ni Diokno ang kanyang mga kritiko ng, “Have a wonderful weekend!”
Si Diokno, kasama ng Pangulo sa Singapore, ay piniling huwag patulan ang panawagan sa kanila ni Balisacan na umalis sa pwesto.
Nauna rito, sinabi ni SINAG Executive Director Jayson Cainglet sa isang kalatas na, “Today, we stand together to oppose, in the strongest terms, the efforts of Secretaries Diokno and Balisacan to serve the death sentence on rice farmers and other industry stakeholders by cutting or eliminating tariffs – our last refuge.”
“The petition at hand is not for the welfare of consumers. Any claims about consumer benefits are at best, debatable. In reality, they are doormats to a sinister agenda. The rice farmers are the intended victims of the petition,” dagdag na pahayag nito.
Matatandaang sinabi ni Diokno na inirekomenda ng economic team ang pansamantalang pagbabawas sa kasalukuyang 35% rice import tariff rates para tugunan ang tumataas na presyo ng bigas.
“The proposed reduction would range from zero percent to 10 percent for both ASEAN and the most-favored nation (MFN),” ayon kay Diokno.
Tinuran naman ni Balisacan na kinokonsidera ng pamahalaan ang pagbabawas sa import tariffs para sa bigas bilang hakbang para tugunan ang tumaas na presyo ng pangunahing pagkain.
Nanawagan naman si Balisacan ng masusing pag-aaral para sa 35% na taripa sa bigas para magawang matapyasan ang consumer costs habang kinokonsidera ang epekto sa local producers.
“To partially counterbalance the rise in global prices and alleviate the impact on consumers and households, we may implement a temporary and calibrated reduction in tariffs,” ang pahayag ni Balisacan.
Nito lamang Agosto, tumaas ang inflation rate para sa bigas ng 8.7% mula sa 4.2% noong Hulyo bunsod ng lower grain output dahil sa El Niño at export bans na ipinatupad ng pangunahing rice exporters gaya ng India at Myanmar. Kris Jose