MANILA, Philippines – Tinutulan ni Finance Secretary Benjamin Diokno nitong Biyernes, Pebrero 3 ang planong gamitin ang dibidendo mula sa government-owned and controlled corporations para pondohan ang Maharlika Investment Fund.
Nauna nang sinabi ni Albay Rep. Joey Salceda na isinaayos niya ang proposal kung saan ang initial seed funding ay magmumula sa dibidendo ng GOCC.
Tinanggihan naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang suhestyong ito kasabay ng konsultasyon sa mga economic managers.
Ani Diokno, ang pagsama sa GOCC ay nangangahulugan ng pag-amyenda sa kanilang chapters.
“The more sources the better. Except, meron lang akong objection, there is a proposal to tap dividends from some corporations, but it will require changing their charter. Mas madugo yon eh, diba?,” paliwanag ni Diokno.
Sinabi rin niya na tinukoy na ang pondo na gagamitin para sa Maharlika Investment Fund at ito ay magmumula sa Landbank of the Philippines, Development Bank of the Philippines at Bangko Sentral ng Pilipinas.
“Gov. [Felipe] Medalla is willing, diba? He is willing to give up 100 percent for 2 years. To me that is easily P100 billion.” ani Diokno.
“Tapos meron pa tayong proceeds from privatization, easily another P100 billion (we also have proceeds from privatization). So we don’t have to amend the charters of existing corporations to be able to fund the Maharlika Fund,” dagdag niya.
Samantala, pinuna naman ni Senador Chiz Escudero ang pagsama sa Landbank at DBP na funding source ng Maharlika.
Aniya, mas makabubuti pa na magpautang na lamang ang mga bangkong ito sa sektor ng agrikultura.
Kasalukuyang sumasailalim sa deliberasyon sa Senado ang panukalang magtatatag ng sovereign wealth fund ng bansa. RNT/JGC