Home NATIONWIDE Diplomasya tugon sa umiinit na panghihimasok ng China sa WPS, hirit ng...

Diplomasya tugon sa umiinit na panghihimasok ng China sa WPS, hirit ng solon

MANILA, Philippines – Iminungkahi ng isang mambabatas na gamitin ang lahat ng pamamaraang diplomatiko laban sa uminiit na panghihimasok ng China sa teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS) upang maiwasan ang anumang nakakaalarmang sitwasyon.

Sa pahayag, sinabi ni Senador Alan Peter Cayetano na habang patuloy na tumitindin ang sigalot sa WPS, dapat magkaisa ang buong bansa at tugunan ang isyu sa pamamagitan ng diplomatikong pamamaraan.

“No one wins sa present situation. China doesn’t win. The Philippines doesn’t win,” ayon kay Cayetano.

Binigyang-diin pa ni Cayetano, na nagsilbi bilang secretary ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa ilalim ng administrasyong Duterte, ang kahalagahan ng pag-iwas sa usaping pulitika sa gitna ng hidwaan sa China at pagtuunan ng pansin ang pagkakaisa upang makamit ang kapayapaan.

“Ang usapan sa West Philippine Sea dapat walang politika, dapat united tayo,” wika niya.

Lalong tumaas ang tensyon sa pagitan ng coast guard ng China at ng Pilipinas noong nakaraang linggo matapos puwersahang kunin ng Chinese Coast Guard ang kagamitan ng Philippine Navy na ikinasugat ng ilang sundalo at magkasira ng kanilang bangka.

Sa pinakahuling insidente, isang sundalo ng Philippine Navy ang naputulan ng hinlalaki nang banggain ng Chinese Coast Guard ang bangka ng Pilipinas.

Iniulat din ang presensya ng tear gas at paggamit ng siren malapit sa BRP Sierra Madre, isang lumang barkong pandigma na nagsisilbing military outpost ng Pilipinas sa lugar.

Sinang-ayunan ni Cayetano ang pahayag ni Senate Majority Leader Francis Tolentino na dapat magpulong ang National Security Council (NSC) upang makabuo ng posibleng tugon sa mga agresibong aksyon ng China.

Umaasa rin si Cayetano na hindi na lalaki pa ang hidwaan gaya ng nangyari sa United States at Cuba noong 1960s.

“I do know that we are entering the point na brinkmanship na. It could get much worse,” saad niya.

“I still hope that there will be high level talks between the two presidents and I hope that there will be a high level mini-NSC talk na walang politika,” dagdag niya. Ernie Reyes