KANYA-KANYANG paghahanda ang isinasagawa ngayon ng mga ahensya kaugnay sa pag-aalburuto ng Bulkang Mayon sa Albay kung saan itinaas na ng Philippine Volcanology and Seismology sa Alert Level 3 nitong nakalipas na mga araw.
Sa panig ng Kapitolyo,ideneklara na ni Albay Governor Grex Lagman ang state of calamity sa buong lalawigan upang mas lalo pang mapaghandaan ito lalo na ang pagbili ng pagkain at iba pang kagamitan na sadyang kailangan ng mga apektadong pamilyang umabot na sa 8,000 libo na residente ng 6 kilometrong permanent danger zone.
Kaagad naman na binisita ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang lalawigan at nakipagpulong kay Lagman at mga alkalde mula sa walong bayan at dalawang lungsod upang pag-usapan ang mga stratehiya at paraan ng pagtugon sa naturang inaasahang pagputok ng bulkan.
Siniguro ni Gatchalian na may sapat na family food packs at non-food items na nakaimbak sa mga bodega sa Albay at buong Bicol upang walang magugutom habang hindi natatapos ang pag-aalburoto ng Mayon na pinaniniwalaang maapektuhan naman ang hanapbuhay ng mga nakatira sa permanent danger zone.
Inilatag na rin ng Office of the Civil Defense, Provincial Local Government Unit Albay at iba pang ahensya ang evacuation plan para sa paglilikas sa mga residente na nasa 8 kilometer danger zone kasabay ng paghahanda sa mga evacuation center upang masiguro ang kanilang kaligtasan.
Maging ang temporary shelter para sa mga alagang hayop ng mga apektadong pamilya ay may lugar na rin, ayon sa LGUs, upang hindi ito maiwan sa paanan ng bulkan na naging karanasan noong nakaraang pagsabog na binalikan ng mga residenteng isinusugal ang kanilang buhay.
Nananawagan din si Pangulong Bongbong Marcos sa mga apektadong indibidwal na makinig sa mga anunsyo ng gobyerno na ibayong pag-iingat ang dapat gawin lalo na ang paglikas upang walang magbuwis ng buhay lalo na sa kasagsagan nang pagputok ng Mayon na marami na rin ang namatay may ilang dekada na ang nakaraan.
Higit sa lahat, tulong-tulong ngayon ang mga sangay ng gobyerno upang mas lalo pang mapaigting ang kahandaan nito sa napipintong pagputok ng bulkang dinarayo rin ng mga turista.