MANILA, Philippines- Inihain sa Kamara ang panukalang naggagawad ng discounted fees at subsidies sa indigent public utility vehicle (PUV) drivers sa pagkuha ng professional driver’s license.
Iminungkahi ito nina Representatives Paolo Duterte ng Davao city, Eric Yap ng Benguet at Edvic Yap ng ACT-CIS party-list sa ilalim ng kanilang House Bill 8070.
Batay sa panukala, bibigyan ng 20% discount ang indigent PUV drivers bayad at iba pang rekisitos na kinakailangan sa pagkuha ng professional driver’s license katulad ng examination fees, certificates, clearances at enrollment sa accredited driving schools.
Sinabi rin ni Duterte na bukod sa implementasyon ng PUV Modernization Program, makadaragdag ang labis na rekisitos ng Land Transportation Office (LTO) sa pagkuha ng professional driver’s license sa “financial woes” ng PUV drivers.
Tinutukoy niya ang LTO Memorandum Circular 2021-2284 na nagsasabing ang aplikante ng professional driver’s license ay kinakailangang 18-anyos pataas, isang non-professional driver’s license holder sa loob ng hindi bababa sa isang taon, at kailangang makapasa sa written exam at practical driving test.
Kailangan ding magsumite ng aplikante ng medical certificate, kumuha ng clearance mula sa National Bureau of Investigation (NBI) o sa Philippine National Police (PNP), at makakumpleto ng minimum na eight-hour practical driving lessons mula sa anumang driving school na kinikilala ng LTO o ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Anang mga mambabatas, batay sa datos mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), 430,000 PUV drivers ang maaapektuhan ng bagong rekisitos na itinakda ng LTO sa pagkuha ng professional driver’s license.
Advertisement
Advertisement