MANILA, Philippines – Nanindigan ang isang opisyal ng simbahan sa pagtutol sa pagkakaroon ng diborsyo sa Pilipinas dahil makakapinsala ito sa pamilyang Pilipino.
Ayon kay Novaliches Bishop-emeritus Teodoro Bacani Jr.- higit dapat ipagmalaki ng bansa na kabilang ang Pilipinas sa dalawang bansa na hindi pinapairal ang divorce.
Ang pahayag ng obispo ay makaraang aprubahan ng Senate Committee on women, children, family relations, and gender equality ang Senate Bill 2443 o ang absolute divorce bill.
Binigyan diin ng komite na bagama’t kinikilala ng estado ang kasagraduhan ng pamilya, tungkulin din ng pamahalaan na pangalagaan ang dignidad ng tao na ginagarantiyahan ang paggalang sa karapatang pantao, pagkakapantay-pantay sa harap ng batas at pangangalaga sa mga kabataan.
Sinabi ng Obispo na hindi na kinakailangan pa ang pagkakaroon ng diborsyo o mas pinadaling paghihiwalay ng mga mag-asawa, dahil sa hindi pagkakasundo lalo’t mayroon nang umiiral na legal separation at nullity of marriage sa Pilipinas.
Dapat din na makita ng mga mambabatas ang mga pag-aaral at resulta ng pagkakaroon ng magkahiwalay na magulang at ang epekto ng paghihiwalay sa kanilang mga anak. Jocelyn Tabangcura-Domenden