Home NATIONWIDE DMW mega job fair, dinagsa!

DMW mega job fair, dinagsa!

MANILA, Philippines- Dinagsa ng mga aplikante ang ikinasang mega job fair ng Department of Migrant Workers (DMW) na ginanap sa main office nito sa Mandaluyong City kasabay ng pagdiriwang ng ika-125 anibersaryo ng Independence Day nitong Lunes, June 12.

Kabuuang 11,750 trabaho abroad ang alok ng 40 licensed recruitment agencies sa nasabing aktibidad.

Sinabi ni DMW Assistant Secretary Levinson Alcantara na ang mga recruitment agencies na pinili nila ang mga mapalad na aplikante base sa kanilang skills at work experience.

“Ang hinahanap ng mga private recruitment agencies at manning agencies ay yung mga matched ang skills at experience dun sa requirements ng mga employers nila na nasa overseas,” sabi ni Alcantara.

May 32 pribadong recruitment agencies at walong manning agencies ang lumahok sa aktibidad.

Karamihan sa mga ito, ani Alcantara, ay ang mga tinatawag na ethical recruiters, at inilalapat ang employer pay principle, kaya karamihan sa kanila ay hindi humihingi ng placement fee.

Ang mga ahensyang ito ay naghahanap ng mga nars, welder, construction worker, waiter/waitress, barista, warehouse supervisor, food server, chef, accountant at seafarer.

Mayroong 17 bansang destinasyon para sa mga interesadong manggagawang Pilipino na kinabibilangan ng Guam, Maldives, Kingdom of Saudi Arabia, Qatar, United Arab Emirates, Ireland, Japan, Australia, Papua New Guinea, Singapore, Bahrain, Germany, United Kingdom, China, Czechia Republic, Macau at United States of America.

Karamihan sa mga dumagsa sa job fair ay mga dating OFWs at maging mga naghahangad na magtrabaho sa ibang bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articlePinas nakapagtala ng 6,630 dagdag-kaso ng COVID mula June 5-11, 2023
Next articlePDLs dinalaw ng mga mahal sa buhay sa Araw ng Kalayaan