Home NATIONWIDE DMW nakikipag-usap sa ibang employers: OFWs na nawalan ng trabaho sa N....

DMW nakikipag-usap sa ibang employers: OFWs na nawalan ng trabaho sa N. Zealand, i-absorb

MANILA, Philippines – Nakikipag-usap ang Department of Migrant Workers (DMW) sa mga employer sa New Zealand na maaaring handang tanggapin ang mga overseas Filipino worker (OFW) na nawalan ng trabaho matapos ideklara ng ELE Group of Companies ang pagkabangkarote.

Sinabi ni DMW Undersecretary Patricia Yvonne Caunan sa isang news forum na ang inisyatiba ay higit pa sa cash aid na ibibigay ng gobyerno sa mga OFW na natanggal sa trabaho sa ELE Holdings Ltd., ELE Management Ltd., ELE Ltd., at Tranzport. Solutions Ltd.

Ayon pa kay Caunan na ang DMW ay nakikipag-ugnayan sa ibat-ibang employers sa New Zealand upang makita kung papayag silang magpatrabaho sa mga apektadong OFW.

Sinabi ni Caunan na magbibigay ang DMW ng humigit-kumulang 1,050 New Zealand dollars (hindi bababa sa PHP36,800) sa mga OFW na apektado at sa ngayon ay naihatid na ang cash aid sa humigit-kumulang 107 eligible recipients.

Pinoproseso pa ng ahensya ang tulong pinansyal para sa 345 iba pa.

Nauna nang nakipagpulong si Philippine Ambassador to New Zealand Kira Christianne Azucena sa ilan sa mga natanggal na OFW at ipinarating na ang tulong pinansyal ay isang “pagpapahayag ng matatag na pangako ng Pamahalaan ng Pilipinas sa kapakanan ng mga Pilipino sa ibayong dagat, lalo na ang mga nasa kagipitan.”

Ang pagsasara ng kumpanya ay nagkabisa bago ang Christmas holidays, na nakaapekto sa mahigit 500 manggagawang Pilipino na may hawak ng parehong work visa at resident visa.

Ang mga Pilipinong may hawak na work visa ay pinahihintulutan na makahanap ng bagong trabaho sa ilalim ng mga regulasyon ng New Zealand, ngunit ang prosesong ito ay tatagal ng humigit-kumulang dalawang buwan, sabi ng Philippine Embassy sa Wellington. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)

Previous articlePabuya sa paghuli sa umatake sa MisOc gov itinaas sa P6M
Next articleDOTr tutulong sa paghahanap ng trabaho sa unconsolidated jeep drivers