Home NATIONWIDE DND bibili ng 2 modern submarines – exec

DND bibili ng 2 modern submarines – exec

MANILA, Philippines- Sinisilip ng Department of National Defense (DND) na bumili ng dalawang modern submarines bilang bahagi ng modernization program ng Armed Forces of the Philippines (AFP), ayon sa isang defense official nitong Biyernes.

“The plan is now in the pipeline and is geared towards the acquisition of two modern submarines,” pahayag ni Defense Undersecretary Irineo Espino, na itinalagang DND Officer-In-Charge ni Secretary Gilberto Teodoro Jr. mula Nov. 14 hanggang 17 habang nasa Jakarta, Indonesia siya para sa isang opisyal na foreign mission.

Nitong nakaraang buwan, pinangunahan ni Espino ang Philippine delegation sa South Korea upang bisitahin ang dalawang major defense equipment manufacturers “as part of the promotion of peace and security in the Asian region.”

Isa sa manufacturers ay nang Hanwha Ocean, kabilang sa nangungunang shipbuilders sa South Korea, kung saan ipinagbigay-alam kay Espino ang kapabilida ng Jang Bogo-class submarine. 

Isinama ng DND ang pagbili ng dalawang submarines sa “wish list” ni isinumite nito kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang parte ng ikatlong phase ng AFP modernization program.

Ang AFP ay mayroong 15-year modernization program na nagsimula noong 2012 sa ilalim ng Republic Act No. 10349 o ang Revised Armed Forces Modernization Act. 

Ipinatupad ito upang palakasin ang kapabilidad ng AFP na tumugon sa counter terrorism at global security threats.

Samantala, binigyan din ng impormasyon si Espino hinggil sa pag-usad ng konstruksyon ng dalawang missile corvettes sa pagbisita niya sa headquarters ng Hyundai Heavy Industries (HHI).

Lumagda ang DND sa P28-billion contract sa HHI noong 2021 para sa pagbili ng dalawang brand new missile corvettes para sa Philippine Navy.

Inaasahang darating ang unang corvette sa 2025, habang ang isa pa ay sa 2026.

“With the changing global security environment, the Philippines must be equipped with modern defense assets,” giit ni Espino.

Kumpiyansa ang DND official na makabibili ang AFP ng karagdagang modern weapon systems sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. RNT/SA

Previous articleDPWH nag-inspeksyon sa mga lugar na sapul ng lindol
Next articleNapoles umapela sa plunder case