MANILA, Philippines- Personal na nanindigan si Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro Jr. na kinakailangan ang Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG).
Inihayag niya ito sa deliberasyon ng House Committee on Appropriations sa 2024 budget ng DND nitong Huwebes.
Tinanong ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro si Teodoro ukol sa VPSPG sa kanyang interpellation sa budget hearing.
“Ako po, tatayuan ko po ang necessity ng VPSPG,” giit ni Teodoro.
“Kasi ang Bise Presidente po noong araw ay dinadagdag po yan sa PSG (Presidential Security Group) budget at hindi po consistent ang kanilang suporta…Kaya nga mabuti ito, naka self-contain ito hindi po humahatak ng ibang tao na hindi po nare-report,” patuloy niya.
Sinabi ng DND chief na may kabuuang 345 tauhan ang itatalaga sa VPSPG sa susunod na linggo, na katulad ng bilang ngayong 2023. Subalit, mas mababa ito sa personnel detail na 433 noong nakaraang taon.
“Sa kasaysayan, mga Bise Presidente po inaa-assign-an po ng malaki ngunit hindi naka-reflect sa separate unit,” ani Teodoro.
“Kaya [around] 400 po yan dahil OVP, mga advance locations po na pinupuntahan niya, DepEd, rotation po ng mga staff at support po sa kanyang opisina,” paliwanag pa niya.
Tugon naman ni Casto, “On previous VPs, as far back as 80s, may do with VPSP, maybe a small detail lang po. Ngayong mukhang hindi nagkakasya sa isang humble unit.” RNT/SA