Home NATIONWIDE DOE naglabas ng panuntunan sa offshore wind projects

DOE naglabas ng panuntunan sa offshore wind projects

MANILA, Philippines – Naglabas ng panuntunan ang Department of Energy (DOE) nitong Huwebes, Hunyo 22 kaugnay sa offshore wind energy projects upang mas mapabilis pa ang paglago sa naturang sektor.

Pinirmahan ni DOE Secretary Raphael Lotilla noong Hunyo 16 ang Department Circular No. 2023-06-0200 — ayon na rin sa inilabas na
Executive Order No. 21 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Abril 19 na nagtatakda ng panuntunan at pamamaraan sa permitting agencies na may kaugnayan sa pagbibigay ng permit at lisensya para sa offshore wind (OSW) projects.

Saad sa DC na kailangang pabilisin ng permitting agencies ang pagbibigay ng permit, proseso at mga requirements, maging ang mga babayaran sa pagbuo ng offshore wind projects.

Inaatasan nito ang mga ahensya na alisin na ang paulit-ulit at nagpapatong-patong na mga permit sa iba’t ibang permitting agencies at kanilang attached bureau at opisina.

Kabilang din dito ang pagpapasimple sa application forms, proseso at requirements, kabawasan sa mga signatories at documentary requirements, review at rationalize fees at charges, pagsiguro ng pagtugon sa time frame sa paglalabas ng permit na naaayon sa batas, at automation ng proseso sa pamamagitan ng Energy Virtual One-Stop Shop (EVOSS) System.

“The integration of the processes of permitting agencies into the Energy Virtual One-Stop Shop System shall be a key factor for OSW developers in expediting their work commitments. It will also provide a streamlined, effective, and efficient permitting and consenting activity that will lessen the development cost of OSW resources, ultimately lowering the rates to the electricity consumers,” saad sa pahayag ng DOE.

Nakalista rin sa bagong framework ang pitong priority activities sa mas episyenteng roll out ng offshore wind projects.

Kabilang dito ang pagtatatag ng Philippines Offshore Wind Databank, pagsusuri ng mga umiiral na guidelines sa paggawad ng service contracts, paghahanda ng smart at green grid plan ng network service provider, pagbuo ng foreshore lease regulations para sa transmission system, paghahanda ng long-term Port Development Plan sa pamamagitan ng Philippine Ports Authority, pagsiguro ng kaligtasan at seguridad sa lahat ng offshore wind projects, at institusyonalisasyon sa marine spatial planning.

Mula nang ilunsad ng DOE ang Philippines Offshore Wind Roadmap noong 2022, nakapagbigay na ang ahensya ng kabuuang 66 na kontrata sa aggregate potential capacity na
53.85 gigawatts (GW).

Ang Pilipinas ay may potential offshore wind resources ng nasa 178 GW. RNT/JGC

Previous articlePagbababa ng alert level status sa Myanmar pinag-aaralan ng DFA
Next articlePhilHealth naglaan ng P21B sa expanded hemodialysis coverage