MANILA, Philippines- Karamihan o 87 porsyento ng mga kaso ng leptospirosis sa buong bansa na iniulat mula Enero 1 hanggang Sept. 2 ay kalalakihan, ayon sa isang opisyal ng Department of Health (DOH).
Sinabi ni DOH Epidemiology Bureau Director Alethea de Guzman na karamihan sa apektado ng leptospirosis sa nasabing mga indibidwal na kabilang sa mas matandang pangkat ay partikular na nasa 20 hanggang 49 taong gulang o ang mga lumalabas para magtrabaho.
Humigit-kumulang 14 porsyento ng mga kaso ay may mga trabahong may kinalaman sa pagsasaka, halos 8 porsyento ay mga manggagawa, 6 porsyento ay mga estudyante, halos 4 porsiento ay mga tsuper at 2 porsyento ay may mga trabahong may kaugnayan sa pangingisda.
Nitong Setyembre 2, nakapagtala ang DOH ng kabuuang 3,728 kaso ng leptospirosis sa buong bansa– mas mataas ng 70 porsyento kumpara sa naitalang mga kaso para sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Sinabi ni De Guzman na nagsimula ang pagtaas ng kaso noong kalagitnaan ng Hulyo kasabay ng pagpasok ng ilang bagyo sa bansa.
Aniya, sa nakalipas na tatlo hanggang apat na linggo, nakapagtala ng 733 kaso sa buong bansa at ito ay 32 porsyentong mas mataas kumpara sa mga naitalang kaso noong mga nakaraang linggo.
“A downtrend in cases is seen in the recent one to two weeks,” sabi ni De Guzman.
Dagdag pa ng opisyal, ang pagkakalantad sa mga kaso sa nakalipas na apat na linggo ay may kaugnayan sa pagbaha, 427 kaso; at agriculture-related naman ang 56 kaso.
Anim sa 17 rehiyon sa bansa ang nagpakita ng pagtaas ng kaso kabilang ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), National Capital Region, Ilocos Region, Region 4-A (Calabarzon), Central Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao at Davao Region.
Ang case fatality rate (CFR) sa nasabing mga rehiyon ay mas mataas din sa 11 porsyentong national rate.
Ang CFR para sa BARMM ay 14.29 porsyento; NCR, 11.24 porsyento; Ilocos Region, 16.22 porsyento; Region 4-A (Calabarzon), 13.88 porsyento; Central Visayas, 11.11 porsyento; Zamboanga Peninsula, 11.54 porsyento; Northern Mindanao, 14.89 porsyento; at Davao Region, 15.71 porsyento. Jocelyn Tabangcura-Domenden