Home NATIONWIDE DOH, kinalampag sa ‘mental health pandemic’

DOH, kinalampag sa ‘mental health pandemic’

351
0

MANILA, Philippines – Sa gitna ng pagdiriwang ng Mental Health Action Day, muling hinimok ni Senador Sherwin Gatchalian ang Department of Health (DOH) na magpatupad ng mas maigting na aksyon sa pagtungon sa tinatawag nitong mental health pandemic sa bansa.

Dahil sa naging pinsalang sanhi ng pandemya ng COVID-19, binigyang diin ni Gatchalian na kinakailangan ang mga targeted intervention programs upang matugunan ang pangangailangan ng mga Pilipino sa mental health at upang mapigilan ang mga tangkang pagpapakamatay.

Matatandaang umakyat ang bilang ng mga suicide-related calls sa National Center for Mental Health (NCMH) mula 2019 hanggang 2021. Mula 712 noong 2019, umakyat sa 2,841 ang suicide-related calls sa NCMH noong 2020. Lalo pang tumaas ang bilang sa 5,167 noong 2021.

Naaalarma si Gatchalian na kung ihahambing sa mga nakukuhang tawag ng saklolo o suicide-related calls, mas marami pa ang bilang ng aktwal na namamatay dahil sa suicide.

Pahiwatig aniya nito na marami sa mga nagpakamatay ang nahirapang makahingi ng tulong. Noong 2019, naitala ng Philippine Statistics Authority (PSA) na may 2,810 ang nagpakamatay. Umakyat ang bilang sa 4,420 noong 2020.

Binigyang diin din ng senador ang panganib na kinakaharap ng maraming mga kabataan pagdating sa mga mental health issues.

Sa 21,648 na tawag, kabilang ang mga suicide-related calls na natanggap ng NCMH noong 2021, 4,800 o halos 20 porsyento rito ay galing sa mga batang mas bata pa sa 17 taong gulang.

Sinabi pa niya na 60% ng mga tumawag ang may edad na 18 hanggang 30. Kung pagsasamahin ang dalawang grupong ito, lumalabas na 80% ng mga tumatawag sa NCMH ang kasama sa maituturing na working group, kabilang ang mga nag-aaral pa.

“Sa panahong patuloy tayong bumabangon mula sa pinsalang dinulot ng pandemya, hindi na natin maaaring ipagpaliban ang pagpapatupad ng mga hakbang upang pangalagaan ang mental health ng ating mga kababayan.

Ang ating bansa ay nasa ilalim ng pandemya ng mental health at kailangan nating alagaan ang ating mga kababayan, lalo na ang mga nanganganib na makaranas ng mga isyu sa mental health,” ani Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Basic Education.

Samantala, inihain ni Gatchalian ang Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Senate Bill No. 2200), isa sa kanyang mga prayoridad na panukalang batas. Layon ng naturang panukala na patatagin ang programang pang-mental health sa mga paaralan sa bansa. Ernie Reyes

Previous articleAnti-agri smuggling law, palpak! – Villar
Next articleEl Niño may 90% tsansang magpapatuloy ‘gang 2024 – PAGASA

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here