MANILA, Philippines – Muling kinalampag at nagsagawa ng noise barrage at die-in protest ang mga health workers mula sa ibat-ibang public at private hospital sa National Capital Region (NCR) sa harap ng tanggapan ng Department of Health (DOH) nitong Lunes, Nobyembre 13.
Ito ay upang ihayag ang kanilang galit at pagkadismaya kaugnay sa hindi sinsero at kapabayaan ng DOH, DBM at administrasyong Marcos sa kapakanan ng mga health workers sa hindi pagbabayad ng kanilang overdue health emergency allowance sa ilalim ng Republic Act No. 11712.
Iginiit din nila ang agarang pagtaas ng suweldo, pagpapanumbalik ng mga pagbawas sa badyet sa kalusugan at tinututulan ang pagtatalaga kay Herbosa bilang DOH chief.
Habang ang mga pulitiko ay nag-aaway sa malaking pondo sa intelligence at confidential funds, ang mga health worker ay pinagkakaitan ng pondo at ang kalusugan ng mga tao ay lumalala.
Higit pa rito, ipinahayag ng mga health worker na hinihintay pa nila ang kanilang HEA na sumasaklaw sa panahon ng Hulyo-Disyembre 2021, Enero-Disyembre 2022 at Enero-Hulyo 2023.
Sinabi ng DOH, ang kabuuang atraso para sa mga benepisyo ng mga manggagawang pangkalusugan mula 2021-2023 ay nagkakahalaga ng P62.2 bilyon.
Inilalabas din nila ang kanilang pagkadismaya na sa 2024 health budget ay walang pondong inilaan para sa pagtaas ng suweldo ng mga ‘modern-day heroes’ na buong pusong naglilingkod sa panahon ng pandemya.
Sa halip, pinutol ng gobyernong ito ang PS ng ilang pampublikong ospital.
Bukod pa rito, ipinapahayag nila ang kanilang pagtutol sa pagtatalaga kay Herbosa bilang hepe ng DOH.
Sa ilalim ng pamumuno ni DOH Secretary Herbosa, wala umanong ginhawa sa malalang sitwasyon ng mga health worker.
Samantala, nananawagan ang grupo ng mga manggagawang pangkalusugan na ibalik ang P10 bilyong bawas sa budget ng DOH, P1.7 bilyong bawas sa mga specialty hospitals at P2 bilyong bawas sa badyet para sa PGH.
Nais nilang muling iayon ang confidential at intelligence funds ng OP, OVP, at iba pang ahensyang sibilyan sa kalusugan partikular sa mga pampublikong ospital at iba pang serbisyong panlipunan.
Hinamon ng mga health workers si Pangulong Marcos Jr, at DOH na tuparin ang kanilang sinumpaang at pangako at patunayan na may magagawa sila upang maiangat ang kalagayan ng mga manggagawang pangkalusugan at malutas ang matagal nang problema sa kalusugan ng mga mamamayan. Jocelyn Tabangcura-Domenden