Home NATIONWIDE DOH nagbabala sa mga sakit dala ng El Niño

DOH nagbabala sa mga sakit dala ng El Niño

281
0

MANILA, Philippines – Pinag-iingat ng Department of Health (DOH) ang publiko laban sa ilang sakit na maaaring laganap sa buong panahon ng El Niño.

Sa isang press conference, binigyang-diin ni Health Secretary Ted Herbosa na ang panahon ay nakakaapekto sa kalusugan.

Sinabi ni Herbosa na aatasan niya ang disaster program na tingnan ito para matugunan dahil huli na kapag malaman ang epekto nito kaya dapat maging handa sa El Nino.

Noong nakaraang linggo, idineklara ng state weather bureau na PAGASA ang pagsisimula ng El Niño—isang phenomenon na nailalarawan sa abnormal na pag-init ng temperatura sa ibabaw ng dagat sa gitna at silangang equatorial Pacific Ocean at mas mababa sa normal na pag-ulan.

Ipinaalala ni DOH spokesperson Undersecretary Enrique Tayag na nagkaroon ng dengue fever outbreak sa gitna ng El Niño noong 1998.

Paliwanag ni Tayag, kapag tagtuyot, karamihan sa mga tao ay nag-iigib kung saan maraming water containers o sisidlan ang nagiging breeding places ng mga lamok.

“Kung titignan parang paradox—merong tag-tuyot eh ba’t nagkaron ng dengue,” saad ng opisyal.

Batay sa pinakahuling epidemic-prone disease case surveillance report ng DOH, mayroong 72,333 na kaso ng dengue na naitala mula Enero 1 hanggang Hunyo 17, 2023, na 14% na mas mataas kaysa sa 63,526 na kaso na naitala sa parehong panahon noong 2022.

Mayroong 249 na nasawi dahil sa dengue ngayong taon.

Higit pa rito, mayroong 371 kaso ng chikungunya, isa pang vector-borne disease, na naitala ngayong 2023.

Para naman sa food and water-borne illnesses, ang typhoid fever ang nanguna sa listahan na may 8,696 na kaso na naitala mula Enero 1 hanggang Hunyo 17, 2023.

Sinundan ito ng acute bloody diarrhea na may 6,829 na kaso; rotavirus na may 2,232 kaso; at kolera na may 2,125 kaso.

Sinabi ni Tayag na naglabas ng guidelines ang kalihim ng kalusugan para sa mga ospital na sumunod at may paparating na krisis sa tubig.

Dagdag pa ni Tayag na kanila ring babantayan ang galawan sa merkado, ang presyo ng mga gamot para nang sa ganon ay hindi samantalahin, na isa aniya sa kanilang inaasahan. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articlePagtatalaga sa Quiapo Church bilang national shrine, ikinagalak
Next articleMga magsasaka sa Kalinga tumanggap ng P18M solar-powered irrigation system

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here