Home NATIONWIDE DOH nagbabala vs deadly watusi

DOH nagbabala vs deadly watusi

MANILA, Philippines – Nagbabala ang Department of Health (DOH) laban sa paggamit ng paputok na “watusi” kasunod ng bagong kaso kaugnay sa isang apat na taong gulang na batang lalaki na aksidenteng nakalunok ng watusi sa bahay.

Sa huling case bulletin, binanggit ng DOH na karamihan sa mga bata ay napapagkamalang candy ang watusi dahil sa hugis at kulay nito.

Ang bata ay isa sa 13 bagong fireworks-related injuries na naitala ng DOH hanggang nitong Huwebes ng alas 6 ng umaga.

“Watusi is deadly. Watusi contains yellow phosphorus, potassium chlorate, potassium nitrate, and trinitrotoluene,” sabi ng DOH.

“Ingestion will lead to death. Bring the patient to the emergency room ASAP. Do not buy or allow any watusi to be at your home.”

Kapag nakalunok ng watusi, payo ng DOH na huwag pasukahin. Maaaring bigyan ang bata ng anim hanggang walong egg whites habang ang mga nakatatanda ay bigyan ng 12 egg whites bago dalhin sa pinakamalapit na hospital emergency room.

Kapag sa mata naman ay maaring hugasan ng malinis na tubig ng 15 minuto, panatilihing bukas ang talukap ng mata at humingi agad ng atensyong medikal.

Agad ding hugasan ng malinis na tubig kapag ang balat ang naapektuhan ng watusi at alisin ang nakontaminang bahagi ng balat.

Dapat ding huminga sa malinis at sariwang hangin ang pasyente kapag nalanghap ang watusi. Dapat maging komportable hanggang mabigyan ng agarang medical assistance.

Ang bagong fireworks-related cases ay karamihan mga kalalakihan na may edad mula 5 hanggang 49 taong gulang. Nangyari sa bahay at kalye ang 12 sa mga bagong kaso.

Tanging lima o 42 percent lamang ay dahil sa illegal fireworks.

Mula nang magsimula ang DOH ng kanilang surveillance sa fireworks-related injuries noong Disyembre 21, nakapagtala na ito ng kabuuang 88 kaso nationwide.

Ang top regions na nagtala ng pinakamaraming bilang ng injuries ay ang National Capital Region na may 31 kaso o 35 percent ng kabuuang tally; Central Luzon na may 11 kaso o 12 percent; Ilocos Region na may 10 kaso o 11 percent; at Bicol Region, Davao Region at Soccsksargen, na may tig-lima o 6 percent.

Ang top ranking na natukoy na mga paputok na nagdulot ng 68 porsiyento ng mga pinsalang nauugnay sa paputok ay ang Boga, 5-Star, Kwitis, Piccolo, Pla-Pla, Whistle Bomb, at Luces. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articlePaghahanda sa Rizal Day
Next articleChikungunya cases sa bansa, pababa na – DOH