Home NATIONWIDE DOH nagbabala vs red tide

DOH nagbabala vs red tide

MANILA, Philippines- Binalaan ng Department of Health (DOH) ang publiko laban sa pagkain ng shellfish mula sa anim na lugar sa Visayas at Mindanao dahil sa paralytic shellfish poison o toxic red tide.

Sinabi ng DOH at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na saklaw ng abiso ang lahat ng uri ng shellfish, kabilang ang tahong, talaba, kabibe o tulya at alamang na galing sa coastal waters ng Milagros sa Masbate; Dauis at Tagbilaran City sa Bohol; Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur; San Pedro Bay sa Samar; Matarinao Bay sa Silangang Samar; at San Benito sa Surigao del Norte.

Payo ni DOH Secretary Ted Herbosa, dalhin sa pinakamalapit na ospital ang pasyente na makararanas ng sintomas matapos kumain ng hindi ligtas na shellfish.

“Prevention is the best: do not eat tahong, talaba, halaan, other shellfish, and alamang from areas identified with toxic re tide,” paalala ng kalihim.

Idinagdag pa na laging magbasa ng abiso mula sa DA-BFAR at sa DOH.

Sinabi rin ni Herbosa na inatasan na ang lahat ng ospital na maghanda para sa kasong ito.

Sinabi ng DOH na ligtas kainin ang mga isda, pusit, hipon (maliban sa kanilang ulo) at alimango basta’t sariwa at hinugasan nang mabuti at tinanggal ang internal organs tulad ng hasang at bituka bago lutuin.

Ang sintomas ng paralytic shellfish poisoning ay may mabilis at mararamdaman sa loob ng 12 oras pagkatapos kumain ng hindi ligtas na shellfish.

Kabilang dito ang pamamanhid sa paligid ng bibig o mukha, pagkahilo, pagkaparalisa ng mga kamay at paa, panghihina ng katawan, mabilis na pulso, kahirapan sa pagsasalita, paglunok o paghinga at pagsakit ng ulo.

Maaring mayroon ding pananakit ng tiyan, pagsusuka at pagdurumi. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleSikat na vlogger inireklamo ng syndicated estafa
Next article3 lalaking lulan ng tricycle niratrat, todas!