Home NATIONWIDE DOH nakapagtala ng 453 debotong nasugatan sa Traslacion

DOH nakapagtala ng 453 debotong nasugatan sa Traslacion

MANILA, Philippines- Sinabi ng Department of Health (DOH) na kabuuang 453 katao ang iniulat na sugatan sa gitna ng Traslacion nitong Martes.

Sa press conference sa Quiapo Church Command Center, inihayag ni DOH Health Emergency Management Bureau chief Dr. Bernadett Velasco na siyam (9) ang mga sugatan ang naospital.

Aniya, lahat ng sugatan ay nagtamo lamang ng minor injury.

“Siyam lang po ang pinadala natin sa ospital kasi po inaagapan lang natin iyong kanilang mga nararamdaman at hindi na po natin kayang i-manage kasi merong mga higher na laboratory, diagnostic na kailangan sa kanila,” anang health official.

Ang pinakamalalang kondisyon aniya na natugunan ng medical personnel ng DOH ay ang hinihinalang kaso ng heart attack.

Binabantayan naman ang mga sitwasyon ng nasabing indibidwal.

Ayon sa Philippine National Police, walang naitalang krimen sa mga lugar na sakop ng Traslacion.

“So far, zero incident po tayo ngayon, wala po tayong naitatala na victims of crimes,” sabi ni Manila Police District (MPD) Deputy Director for Operations Police Colonel Roderico Roy Jr.

Paliwanag ng opisyal, ang mga deboto ay mas masunurin ngayong Traslacion 2024 dahil sa mas malaking police deployment.

Sinabi naman ni Quiapo Church spokesperson Fr. Hans Magdurulang na mayroon pa ring mga deboto na nagpupumilit makasampa sa Andas kahit pa paulit-ulit ang paalala.

“Kahit na merong tayong paulit-ulit at patuloy na pagpapaalala, pagdating po ng aktuwal na pangyayari ay masasabi natin na hindi na natin makokontrol din at magbibigyan ng perpektong paliwanag at utos ang mga marubdob na damdamin ng ating mga deboto,” sabi ng pari.

Nakamit naman ang lahat ng plano para sa Tarslacion 2024 , ayon kay Magdurulang. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleSenior citizens sa Navotas binigyan ng birthday gift
Next articleJokes ni Jo Koy sa Golden Globes, inulan ng batikos!