MANILA, Philippines – Tiniyak ng Department of Health sa publiko na sinusubaybayan pa rin nito ang paglitaw ng bagong COVID-19 variants kasunod ng natukoy na Omicron subvariants XBB.1.5 at CH.1.1.
Sa isang pahayag, sinabi ng DOH na agad itong nakipag-ugnayan sa World Health Organization (WHO) upang madetermina ang abilidad ng kasalukuyang coronavirus variants na kumakalat sa buong mundo.
Pinuri din ng DOH ang inisyatiba ng University of the Philippines-Philippine Genome Center (UP-PGC) at Research Institute for Tropical Medicine (RITM) para sa pagtuklas sa bagong variants.
Tiniyak din ng DOH na patuloy ang kanilang surveillance sa mga border at komunidad maging ang genome sequencing ng COVID-19 variants.
Samantala, sinabi ng DOH na ang hospital utilization ng bansa ay nananatiling napapamahalaan.
Muli namang pinaalalahanan ang publiko na sumunod sa health protocols at magpabakuna.
Martes, Pebrero 7 nang inihayag ng DOH ang pagkakatuklas ng Omicron subvariants na XBB.1.5 at CH.1.1 sa bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden