MANILA, Philippines- Pinayuhan ng Department of Health (DOH) ang publiko na magsuot ng mask sa mga mausok na lugar dahil sa iba’t ibang air contaminants.
Sa kabila ito ng pahayag ng state weather bureau na normal ang fog na umaaligid sa Metro Manila.
Sinabi ni DOH Secretary Ted Herbosa na ang naturang smog ay pinagsamang usok at fog na naglalaman ng kombinasyon ng iba’t ibang pollutants sa hangin na maaaring magdulot ng pinsala sa mga baga.
Payo ng kalihim, kung mataas ang smog ay mag-mask.
Ang ilang bahagi ng Metro Manila ay nabalutan ng umano’y smog sa nagdaang ilang araw kung saan tinawag ng karamihan ito na “sea of smog.”
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang phenomenon ay normal at ito ay epekto lamang ng thermal inversion — na nangyayari kapag ang malamig na hangin, kadalasang matatagpuan sa matataas na lugar, ay nananatiling mas malapit sa ibabaw ng lupa kaysa sa mainit na hangin.
Sinabi ng PAGASA weather specialist na si Veronica Torres na nabubuo ang fog kapag ang malamig na hangin ay nakulong sa ilalim ng warm air mass.
Sinabi ni Torres na ito ay normal at hindi dapat masyadong mabahala pero dapat mag-ingat pa rin dahil may fog na nakababawas ng visibility. Jocelyn Tabangcura-Domenden