Home NATIONWIDE DOH ‘wag idawit sa usapin ng Cha-cha- exec

DOH ‘wag idawit sa usapin ng Cha-cha- exec

MANILA, Philippines- Umapela si Department of Health (DOH) Undersecretary Eric Tayag nitong Huwebes na huwag nang idamay ang ahensya sa talakayan sa pagbabago ng 1987 Constitution sa gitna ng mga ulat na ginagamit ang isa sa mga programa nito para sa signature campaign para itulak ang Charter change (Cha-cha).

“‘Wag na tayong dumagdag sa usapin lalo na na dinadawit pa ang DOH. Kawawa naman ang mga humihingi ng tulong sa amin kasi patuloy naman ang pagbibigay namin ng tulong sa kanila, kasama na itong MAIFIP (Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients),” sabi ni Tayag sa isang panayam.

“Naiintindihan namin na mainit ang usapin diyan. Hayaan lang natin ang mga mambabatas na mag-deklara kung ano ang magandang paraan kung talagang itutuloy nila ang Charter change,” dagdag pa ng opisyal.

Sinabi ito ni Tayag matapos magpahayag ng galit si Senador Imee Marcos sa umano’y paggamit ng tulong-pinansyal ng gobyerno para sa signature campaign.

Kabilang dito ang MAIFIP ng DOH, ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program, at ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced workers (TUPAD) program ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Nauna nang idiniin ng DOH na ang tanging konsiderasyon para maging benepisyaryo ng kanilang medical assistance program ay ang assessment mula sa mga rehistradong social worker.

Sinabi rin ni Tayag na walang interaksyon ang DOH sa mga indibidwal na nag-aapply para sa MAIFIP dahil paper assessment lamang ito.

Iginiit pa ni Tayag na hindi praktikal kung gagamitin ng signature campaign movers ang medical aid program para sa kanilang agenda dahil kaunti lang ang benepisyaryo nito.

“Unang una, kung ang pakay… ‘yung People’s Initiative ay hindi naman gano’n karami ang nabibigyan ng MAIFIP. Halimbawa, sampu lang isang buwan, kung ‘yun ang pagtutuunan ng pansin sa People’s Initiative ay nagsayang ka lang ng oras,” ani Tayag. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleDjokovic, Murray posibleng maagang magharap sa Aussie Open
Next articleMarcos sa DepEd: PISA score sikaping tumaas