Home NATIONWIDE DOJ humiling sa Kamara ng hiwalay na pondo sa batas vs online...

DOJ humiling sa Kamara ng hiwalay na pondo sa batas vs online exploitation of children

MANILA, Philippines – Nais ng Department of Justice (DOJ) na magdagdag sa pondo nito para sa taong 2024 ang pagpapatupad ng batas na anti-online sexual abuse and exploitation of children (OSAEC).

Sa pagharap kahapon, Agosto 23 sa House Appropriations Committee para sa proposed budget ng DOJ, sinabi ni DOJ Undersecretary Nicholas Felix Ty na sa kasalukuyan ay kinakarga ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang mga gastos para sa OSAEC Law.

Ayon kay Ty, walang partikular na budget ang nakalaan para sa OSAEC Law kaya pinapasan muna ito ng IACAT batay sa nakapaloob sa implementing rules and regulations (IRR) ng OSAEC.

Una nang nilagdaan ng Department of Social Welfare and Development at Department of Justice ang IRR ng Republic Act (RA) 11930 o anti-online sexual abuse and exploitation of children (OSAEC) noong Mayo 18, 2023.

Ipinaliwanag ni Ty na sa ilalim ng bagong batas na itinatag ang National Coordination Center against OSAEC. Ito ang responsable sa paggawa ng mga programa.

Sa ilalim aniya ng batas, ang OSAEC ay bahagi ng IACAT ngunit hiwalay ang plantilla nito kung kaya hiwalay din ang budget nito.

Dahil dito, hiniling ni Ty sa Kamara na maamyendahan ang budget ng DOJ upang makapaglaan ng hiwalay na budget para sa OSAEC.

Sa naganap na budget hearing, tinanong ni Iloilo Rep. Janette Garin kung naipabatid na ng DOJ sa Department of Budget and Management ang hinihiling nila na congressional insertion.

Sinabi naman ni DOJ Senior Undersecretary Raul Vasquez na hindi nila naipabatid ito sa DBM. Teresa Tavares

Previous articleDICT ‘in charge’ sa produksyon ng digital national IDs – NEDA
Next articleTaguig School packages, scholarship tuloy tuloy na ipimamahagi sa EMBO schools