MANILA, Philippines- Nilinaw ng Department of Justice (DOJ) na hindi agad makukuha ang cash reward ng informant o kung sino man makapagtuturo sa kinaroonan ni dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag at former deputy officer Ricardo Zulueta.
Iginiit ni Justice spokesperson Asec. Mico Clavano na ang ₱2 milyong pabuya ay maibibigay lamang sa sandaling mahatulan na sa kaso sina Bantag.
Sinabi ni Clavano na hindi makukuha ng informant ang pabuya kung sa huli ay maabswelto sa kaso sina Bantag.
Ikinumpara aniya ng kagawaran sa ibang ahensya ang pagbibigay ng cash reward na ibinabatay sa matagumpay na paglilitis sa kaso.
Una nang inanunsyo ng DOJ at National Bureau of Investigation kamakailan ang pagkakaloob ng ₱2 milyon sa sinuman na makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan nina Bantag at Zulueta.
Ayon kay Clavano, si Bantag ay nananatiling nasa bansa at paikot ikot lamang ito sa mga lugar.
Sina Bantag at Zulueta ang mga umano’y mastermind sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid at sa umano’y middleman na si Jun Villamor. Teresa Tavares