MANILA, Philippines – Nakahanda ang Department of Justice (DOJ) na tugisin at arestuhin si dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag kung mapapag-alaman na gumagamit lamang ito ng surrender feelers para guluhin ang mga awtoridad.
“We have eyes and ears for Mr. Bantag so at any time that the secretary feels that these talks on surrender are a way to distract or to cover up what he’s really trying to do then we will have to come in with force already,” sinabi ni DOJ spokesperson Mico Clavano sa panayam ng CNN Philippines.
Noong Abril, matatandaan na naglabas ang Las Pinas court ng arrest warrant laban kay Bantag at dating Deputy Security Officer Ricardo Zulueta, at tatlo iba pa dahil sa pagpatay sa mamamahayag na si Percival “Percy Lapid” Mabasa.
Naglabas din ng arrest warrant laban kay Bantag at Zulueta ang Muntinlupa court dahil naman sa pagpatay kay New Bilibid Prison inmate Jun VIllarmor, ang itinuturong middleman sa pagpatay kay Mabasa.
Ani Clavano, naghihintay pa sila ng karagdagang impormasyon sa plano ni Bantag na sumuko.
Sa ngayon ay nagpadala na si Bantag ng dalawang feeler, isa sa pamamagitan ng Cabinet official at isa naman ay sa pamamagitan ng law enforcement officer, sinabi ni DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla kamakailan.
Ani Remulla, handa ang mga awtoridad na mag-alok ng detention options para sa dalawang dating opisyal dahil sa security concerns. RNT/JGC