Home NATIONWIDE DOJ: Pag-apela sa pagkakaabswelto kay De Lima nakasalalay sa prosecutors

DOJ: Pag-apela sa pagkakaabswelto kay De Lima nakasalalay sa prosecutors

MANILA, Philippines- Inihayag ng Department of Justice (DOJ) nitong Miyerkules na hahayaan nitong ang panel ng prosecutors ang magdesisyon sa mga susunod na hakbang matapos ibasura ng Muntinlupa court ang huli sa tatlong drug-related cases laban kay dating Senator Leila de Lima. 

Base kay DOJ spokesperson Mico Clavano, inoobserbahan ng ahensya ang “prosecutorial independence” sa De Lima cases.

“Aantayin lang po siguro natin ang magiging recommendation ng mga prosecutors, although there is already a double jeopardy,” pahayag ni Clavano.

Pinoprotektahan ng 1987 Constitution ang mga indibidwal laban sa “double jeopardy,” nangangahulugang hindi maaaring usigin ang indibidwal sa parehong kasalanan sa ikalawang pagkakataon.

“Sa tingin po ng DOJ, meron na rin precedents yung mga ganitong pag-grant ng demurrer to evidence, which is, it already tantamount to an acquittal. But we, again, will leave it up to the panel of prosecutors para po masuri nila talaga yung next steps natin,” dagdag ng opisyal.

Noong Lunes, pinawalang-sala si De Lima sa ikatlo at huling drug charge matapos igawad ng Muntinlupa City Regional Trial Court (RTC) Branch 206 ang demurrer sa pagpalya ng prosekusyon na patunayan ang “guilt beyond reasonable doubt” ng lahat ng akusado.

Inihain ng dating senador ang kanyang demurrer noong Marso, kung saan inihirit niya sa korte na iabswelto siya at ideklarang not guilty sa pagpalya ng prosekusyon na patunayan ang kanyang guilt beyond reasonable doubt.

Sakaling isulong ang apela, sinabi ni Clavano na ihahain ito ng Office of the Solicitor General (OSG).

“Basta mag-appeal, OSG na po ang magiging lead counsel dun,” wika ni Clavano.

“Sa tingin naman po natin, we have to first see the decision and study the decision para malaman po natin. And I think it’s only prudent to turn every stone,” patuloy niya.

Pinalaya si De Lima matapos makapagpiyansa noong Noyembre 2023 kasunod ng pagkakaditene sa Camp Crame mula Pebrero 2017.

Una siyang pinawalang-sala noong Pebrero 2021, nang ibasura ng Muntinlupa City RTC Branch 205 ang isa sa tatlo niyang kaso.

Noong Mayo 2023, pinawalang-sala ng Muntinlupa RTC Branch 204 sina De Lima at Ronnie Dayan, kanyang co-accused at dating bodyguard, sa illegal drug trading charge sa basehang reasonable doubt.

Ibinasura rin ng Quezon City court ang dalawang disobedience cases ni De Lima.

Nauna nang sinabi ni De Lima na kinokonsidera niyang magkasa ng legal na aksyon laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang indibidwal na umano’y nasa likod ng pagkakakulong niya. RNT/SA