MANILA, Philippines- Nakatakdang simulan ng panel ng prosecutors ng Department of Justice (DOJ) sa Martes, Hunyo 13, ang preliminary investigation sa murder at iba pang criminal charges na inihain laban kay Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo “Arnie” A. Teves Jr. kaugnay ng March 4, 2023 killings sa 10 indibidwal, isa sa kanila si Gov. Roel R. Degamo.
Sinabi ni Senior Deputy State Prosecutor Richard Anthony D. Fadullon nitong Miyerkules, na nag-isyu laban kay Teves at lima pang co-respondents ng summons upang maghain ng counter-affidavits sa kasong 10 counts of murder, 14 counts of frustrated murder, at four counts of attempted murder.
Kaya naman, inaasahan ng panel– pinamumunuan ni Senior Assistant State Prosecutor Mary Jane E. Sytat– na maisusumite ni Teves at kanyang co-reposndents ang counter-affidavits sa June 13 o bago sumapit ang petsang ito.
Nasa ibang bansa si Teves, na suspendido pa ng 60 araw bilang mambabatas, sa kabila ng expiration ng kanyang travel authority noong March 9, 2023.
Itinuturo si Teves bilang “one of the masterminds” sa pagpatay kay Degamo. Mariin naman niyang itinanggi lahat ng alegasyon laban sa kanya.
Kinasuhan si Teves ng National Bureau of Investigation (NBI) bago ang DOJ noong May 17, 2023.
Kinilala ang kanyang co-respondents sa complaint na sina Angelo V. Palagtiw, Neil Andrew Go, Capt. Lloyd Cruz Garcia, Nigel Electona, at isa pang kinilala lamang na “Jie-An,” kapatid umano ni Palagtiw.
Bukod sa kanila, 11 pang nakaditineng suspek ang kinasuhan sa manila regional trial court (RTC) kung saan lahat ng kaso hinggil sa pagpatay kay Degamo ay iniatas na ilipat sa Supreme Court (SC) alinsunod sa hiling ni Justice Secretary Jesus Crispin C. Remulla.
Kinilala ang mga kinasuhan sa korte na sina Marvin H. Miranda (tinawag na “co-conspirator with Teves”), Rogelio C. Antipolo Jr., Winrich B. Isturis, Joven C. Javier, Romel A. Pattaguan, Eulogio L. Gonyon Jr., John Louie L. Gonyon, Jhudiel R. Rivero, Joric G. Labrador, Benjie Rodriguez, at Dahniel P. Lora.
Sinunspinde ng Manila RTC ang kanilang arraignment dahil sa pending incidents gaya ng kanilang motions to quash o ibasura ang mga kaso.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 11 suspek at hiniling sa korte na manatili sila roon sa halip na ilipat sa Manila City Jail.
Naiulat na 10 sa mga nakaditineng suspek, maliban kay Miranda, ang bumawi sa kanilang testimonya na nagdidiin kay Teves sa mga pagpatay. RNT/SA