Home OPINION DOKTOR: DAPAT BANG MARAMI O KOKONTI?

DOKTOR: DAPAT BANG MARAMI O KOKONTI?

KUNG kayo’y pumupunta at nagpapagamot ng inyong mga seryosong sakit sa bansang Korea, ipagpaliban muna ninyo ang inyong biyahe.

Baka kasi matamaan kayo ng mga strike ng mga doktor laban sa repormang isinasagawa ng pamahalaan para sa pagdami ng mga doktor doon.

Gusto ng pamahalaan na dumami ang mga doktor dahil kapos na kapos umano ang bilang ng mga ito kumpara sa mga nangangailangan sa kanila, bukod pa sa pagdami ng mga senior citizen na nangangailagan ng serbisyo nila.

At gustong-gustong maganap ito ng mahihirap at nasa mga liblib na pook na karaniwang hindi naaabot ng mga doktor at serbisyong ospital.

NAGBIBITIW MARAMI

Nasa 9,000 doktor ang nagpoprotesta at iniiwan nila ang mga ospital o klinik na kanilang pinaglilingkuran.

Nasa 8,8000 junior doctor o 71 porsyento ng trainee workforce naman ang umalis na sa kanilang mga pinagtatrabahuhang ospital o klinik dahil ayaw nila ang repormang isinasagawa ng gobyerno.

Mula naman sa mga natitira, 7,813 trainee doctors ngayon, karamihan sa kanila ang nasa strike.

Ang dahilan nila?

Kung darami umano ang mga doktor, maging ang mga junior doctor, lalong bababa ang kanilang kinikita o sinasahod, liliit ang kanilang benepisyo at bababa ang kanilang dangal o dignidad bilang mga medical professional.

Lalong ramdam na ramdam ng mga junior doctor ang hindi umano magandang kalagayan ng mga medical professional dahil sila ang sumasahod sa ilalim ng minimum wage law nila at nagtatrabaho ng 80 oras sa isang linggo.

NURSES NATATARANTA

Dahil sa malawakang strike na nagsimula pa nitong nakaraang Lunes, anak ng tokwa, andiyan na ang dami-daming nanganganak ng caesarean at may cancer na hindi na gaanong naaasikaso.

Yung iba naghihintay na lang ng kamatayan at silang mga nars ang bumabalikat na sa maraming gawaing doktor na dapat mga junior doctor.

Meron na ring ‘back to work order” na may parusa kung hindi susundin pero binabalewala ng mga nag-iistrike.

Nananatili ang mga striker sa kanilang mga paninindigan at kung kailan huhupa ang strike, hindi natin alam, mga Bro.

Basta, huwag muna kayong lilipad sa South Korea para lang magpagamot.

2 RESIDENT DOCTORS LANG

Naalala tuloy ng ULTIMATUM ang isang malaking ospital na dadalawa lang ang resident doktor hanggang ngayon.

Isa ang panggabi, isa ang pang-araw.

Kung Disyembre, may mga sabay-sabay na nanganganak at dito na nagpapasaklolo sa mga pribadong doktor ang ospital.

Nasa emergency room karaniwan ang isa sa mga doktor.

Pero sa harap ng maraming nakapilang pasyente, naku, inuubos ang kanyang oras ng telemedicine sa mga suki niyang pribado.

At tanghali o hapon na bago matapos ang mga nagpapatingin na pasyente.

Mga nurse na ang nag-aasikaso sa mga nagpapatingin at sila na rin ang umaasikaso sa mga may kasong emergency.

Hindi ba ganito rin ang kalagayan ng mga pampublikong ospital natin?

Sa tagal ng ganitong kalagayan ng mga public hospital o center, nasaan na kaya ang programang pagkakaroon ng maraming doktor sa mga ito?

Ang isang pagkakaiba lang natin sa South Korea, sa ngayon, iniistraykan ang pagkakaroon ng maraming doktor pero sa atin, kulang na kulang tayo sa doktor na gustong paramihin ng gobyerno.

 

Previous articleSINO ANG MAKIKINABANG?
Next articleSurigao del Sur niyanig ng M-4.9 na lindol