Home NATIONWIDE DOLE didiskarte pampondo sa livelihood plan ng apektadong tsuper, operator

DOLE didiskarte pampondo sa livelihood plan ng apektadong tsuper, operator

Larawan kuha ni Danny Querubin

Sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) na inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang mga ahensya ng gobyerno na pagsamahin ang mga resources para sa isang livelihood program para sa mga jeepney driver at operator na apektado ng public utility vehicle (PUV) modernization program.

Tinukoy ni Labor secretary Bienvenido Laguesma ang “enTSUPERneur” livelihood program, na magbibigay ng hindi bababa sa ₱30,000 halaga ng in-kind livelihood assistance para sa mga apektadong transport workers.

“Mayroon din nga pong direktiba ang ating Pangulong Bongbong Marcos Jr. na mag-converge ang mga departamento na mayroong resources na puwedeng pagsama-samahin at matulungan po ‘yung mga apektadong manggagawa,” saad ni Laguesma sa isang pahayag nitong Miyerkules.

Sinabi ni Laguesma na mahigit 4,500 transport workers ang nabigyan ng ayuda na humigit-kumulang ₱123 milyon.

Ayon pa sa kalihim , 1,500 transport workers ang nakapila para maka-avail ng tulong ngayong taon.

Ang mga permit ng unconsolidated drivers at operator ay binawi noong Enero 1 dahil ang deadline ng consolidation deadline ng prangkisa ay lumipas noong Disyembre 31, 2023.

Ang mga hindi bumuo o nag-consolidate sa isang kooperatiba o korporasyon sa ilalim ng PUV modernization program ay hindi pinapayagang dumaan sa kanilang mga ruta pagkatapos ng Enero 31, kung saan ang kanilang mga sasakyan ay tatawaging “colorum” sa Pebrero. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)

Previous articlePBBM sa MARINA: Maritime practices palakasin para makasabay sa global standards
Next articleMissile attack ng Iran sa Iraq kinondena ni Pope Francis