Home NATIONWIDE DOLE nag-abiso sa mga employer sa pamamahagi ng 13th month pay

DOLE nag-abiso sa mga employer sa pamamahagi ng 13th month pay

MANILA, Philippines- Pinaalalahanan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga employer sa pribadong sektor noong Biyernes na ilabas ang 13th month pay ng mga manggagawa nang hindi lalampas sa Disyembre 24, 2023, o bisperas ng Pasko.

Sa Labor Advisory No. 25, Series of 2023 na inilabas ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma noong Nobyembre 8, ang DOLE ay nagbigay ng mga alituntunin sa mga employer at manggagawa sa tamang pagkalkula ng mandatory benefit.

Alinsunod ang13th month pay sa Labor Code of the Philippines at Presidential Decree No. 851.

Sinabi ng DOLE na ang 13th month pay “ay babayaran sa mga rank-and-file na empleyado sa pribadong sektor anuman ang kanilang posisyon, pagtatalaga, o katayuan sa pagtatrabaho, at anuman ang paraan kung paano binabayaran ang kanilang sahod, sa kondisyon na sila nagtrabaho nang hindi bababa sa isang buwan sa taon ng kalendaryo.”

Idinagdag pa ng DOLE na may karapatan din sa benepisyo ang mga rank-and-file na empleyado na binabayaran sa piece-rate basis, fixed, o guaranteed wage plus commission; sa mga may multiple employers; ang mga nagbitiw; ang mga natanggal sa trabaho; o ang mga nasa maternity leave at nakatanggap ng salary differential.

Ang labor advisory, ayon sa ahensya, ay nag-uutos na ang pinakamababang 13th month pay ay hindi bababa sa one-twelfth  ng kabuuang pangunahing sweldo na kinikita ng isang empleyado sa loob ng taon ng kalendaryo.

Nilinaw ng DOLE na hindi nito papayagan ang mga kahilingan para sa exemption o pagpapaliban sa pagbabayad nito.

Ang DOLE Regional/Field/Provincial Office na may hurisdiksyon sa lugar ng trabaho ay dapat subaybayan ang pagsunod sa pangkalahatang pamantayan sa paggawa, ayon sa Labor Department. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articlePubliko pinaalalahanan ng DSWD na ‘wag magbigay ng limos sa Pasko
Next articleTsina pinuri ni Gadon sa anti-poverty success