Home OPINION DOLE NAGLABAS NG PATAKARAN SA TAMANG SASAHURIN SA DISYEMBRE 26

DOLE NAGLABAS NG PATAKARAN SA TAMANG SASAHURIN SA DISYEMBRE 26

Inilabas ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang Labor Advisory No. 28, Series of 2023 na nagsasaad ng wastong pagbabayad ng sahod para sa special (non-working) day sa ika-26 ng Disyembre.
Nilagdaan ni DOLE Secretary Bienvenido E. Laguesma noong ika-14 ng Disyembre, alinsunod sa Proclamation No. 425, na nagdedeklara sa ika-26 ng Disyembre bilang special (non-working) day sa buong bansa.
Nakasaad sa labor advisory na ipatutupad ang “no work, no pay” maliban na lamang kung ang kompanya ay may polisiya o collective bargaining agreement (CBA) na nagbibigay ng sahod para sa nasabing araw.
Samantala, ang empleyado na magtatrabaho sa special (non-working) day ay babayaran ng karagdagang 30% ng kanyang arawang sahod sa unang walong oras ng kanyang trabaho, habang ang empleyado na nag-overtime ay makakatanggap ng karagdagang 30% ng kanyang orasang kita sa nasabing araw.
Para sa mga empleyado na magtatrabaho sa special (non-working) day at ito rin ay araw ng kanilang pahinga, dapat silang bayaran ng karagdagang 50 porsiyento ng kanilang ara­wang sahod sa unang walong oras; habang ang nag-overtime ay babayaran ng karagdagang 30% ng kanilang orasang kita para sa nasabing araw.
Para sa karagdagang katanungan sa wastong pagbabayad ng sahod, pinapayuhan ang publiko na tumawag anomang oras o araw sa DOLE Hotline 1349. Maaari rin silang tumawag o mag-text sa 0931-066-2573, mula Lunes hanggang Biyernes, alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
Maaari ring magpadala ng mga katanungan sa pamamagitan ng electronic mail sa [email protected] o sa pama­magitan ng direktang mensahe sa Facebook Page ng DOLE.
SA NAGLIPANANG “ONLINE SCAMS”, FB, X AT
INSTAGRAM, BALAK KASUHAN NG PILIPINAS
MASUSING pinag-aaralan ng CICC o ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center ang pagsasampa ng kaso laban sa tatlong malalaking social media platforms bunsod ng pagdami ng online scams.
Ayon kay CICC ­executive director Ale­xander Ramos bigo ang Facebook, Instagram, at X na dating Twitter na pigilan ang online scams o panloloko sa publiko.
Sinabi ni Ramos na bigo ang mga nasabing platform na maproteksiyuhan ang mga consu­mer mula sa iba’t ibang uri ng modus at raket sa online.
Bagaman may karapatan ang publiko na mag-post ng mga scammer tila hindi naman inaaksiyunan ito ng FB, Instagram at X.
Hindi umano ipinatutupad ng tatlong social media platforms ang batas upang hindi mabiktima ang mga consumer.
Binigyan-diin na rin ng DTI o Department of Trade and Industry na maaaring iregulate ng pamahalaan ang foreign businesses na nagsasagawa ng pagnenegosyo sa bansa kabilang  na ang pagtatanggal sa online post ng kahina-hinalang online sellers at pagpapataw ng multa.
Naniniwala ang CICC at ang DTI na dapat namo-monitor ng mga social media companies ang mga negosyong guma­gamit sa kanila.

Previous articleBirador ng mga nagsi-Simbang Gabi, huli
Next article‘PINAS AT JAPAN HANDA NA SA ‘VOLT IN’