Home NATIONWIDE DOLE nagpaalala sa mga employer sa tamang pasahod sa Chinese New Year

DOLE nagpaalala sa mga employer sa tamang pasahod sa Chinese New Year

MANILA, Philippines- Pinaalalahanan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga employer at manggagawa na ang “no work, no pay” policy ay ipapatupad sa Chinese New Year holidays sa Pebrero 9 at 10 na parehong idineklara bilang special non-working days.

Sa Labor Advisory 01, series of 2024, pinayuhan ng ahensya ang mga employer na bayaran ang kanilang manggagawa ng tamang remuneration sa nasabing mga araw.

“On a special (non-working) day, ‘no work, no pay’ will be implemented unless the company has a policy or collective bargaining agreement that gives salary for that day,” sabi ng ahensya sa kanilang post sa social media.

Ipinaliwanag ng Kagawaran na ang manggagawa na nagtrabaho sa special (non-working) day ay babayaran ng karagdagang 30 percent ng kanyang sahod para sa unang walong oras ng kanyang trabaho (basic wage x 130 percent).

Ang isang empleyado na nag-overtime ay makakatanggap ng karagdagang 30 porsyento ng kanyang orasang kita sa araw na iyon (hourly rate of the basic wage x 130 percent x 130 percent x number of hours worked).

Para sa trabahong ginawa sa espesyal na araw na pumapatak din sa araw ng pahinga ng empleyado, babayaran ng employer ang empleyado ng karagdagang 50 porsyento ng pangunahing sahod sa unang walong oras ng trabaho (basic wage x 150 percent).

Para sa mga magtatrabaho ng higit sa walong oras sa espesyal na araw na pumapatak din sa araw ng pahinga ng empleyado, babayaran ng employer ang empleyado ng karagdagang 30 porsyento ng hourly rate sa araw (hourly rate of the basic wage x 150 percent x 130 percent x number of hours worked).

Inilabas ng Malacanang ang Proclamation 368, series of 2023, na nagdedeklara sa Feb. 10 (Chinese New Year) bilang karagdagang special (non-working) day at Proclamation 453, series of 2024, na nagdedeklara sa Feb. 9 bilang karagdagang special (non-working) day. .

Ang Chinese New Year ay ang pagdiriwang ng pagsisimula bagong taon sa tradisyunal na kalendaryong lunisolar ng mga Chinese. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleFDA nagbabala vs unregistered cosmetic products
Next articleLotto gustong ipasuspinde sa Senado