Home OPINION DOLE: PAGBABA ng BILANG NG jobless bunga ng pagpapalakas ng PAGGAWA

DOLE: PAGBABA ng BILANG NG jobless bunga ng pagpapalakas ng PAGGAWA

ISANG patulay ng patuloy na pagbuti ng employment rate ang pagsisikap ng sektor sa paggawa na lumikha ng trabaho at pagtataas ng kasanayan ng mga manggagawa, pahayag ni Labor Secretary    Bienvenido E. Laguesma, kasunod ng ulat ng Philippine Statistics Authority na bumaba pa sa 3.1% ang unemployment rate noong Disyembre 2023.
Isinasalin ang pagbaba sa 1.60 mil­yong indibidwal na walang trabaho o jobless noong Disyembre 2023, na bumuti mula noong Nobyembre 2023 na 3.6% o 1.83M walang trabaho, at mula Dis­­yembre 2022 na 4.3% o 2.22M walang trabaho.
Nangangahulugan din ito na 96.9% o 50.52M indibidwal  ang nagkatrabaho noong Disyembre 2023, pagtaas mula sa 96.4%, o 49M indibidwal na may trabaho noong Nobyembre 2023 at tumaas mula sa naiulat na 95.7% o 49.64M indibidwal na may trabaho noong Dis­yembre 2022.
Tumaas ang year-on-year labor force participation ng 66.6% mula sa 66.4%, habang ang underemployment ay bumaba ng 11.9% mula sa 12.6%, isang pag-unlad na “nagbibigay-riin sa mga positibong pamamaraan sa paglikha ng mas inklusibo, mahusay at ma­tatag na merkado ng paggawa.”
“Isang testamento ang pangkalahatang pag-unlad na ito sa mga estratehiya na naglalayong pataasin ang kakayahan na makapagtrabaho, paggamit ng digital na teknolohiya para sa pagpapaunlad ng mga kasanayan, at pagpapalawak ng access sa mga oportunidad sa trabaho,” wika ni Sec. Laguesma sa kanyang pahayag sa Disyembre 2023 Labor Force Survey.
“Ang aming pagtuon sa mga sektor tulad ng konstruksyon, transportas­yon, logistik, at sa sektor ng kabataang manggagawa, ay naging sentro ng aming estratehiya para sa paglago ng ekonomiya at paglikha ng trabaho,” dagdag ng Kalihim.
Sa unang press briefing ng DOLE ngayong taon, sinabi ni Sec. Laguesma na ang pinakahuling istatistika ng trabaho ang magtutulak sa DOLE upang higit na pagbutihin pa ang pagpapatupad ng mga programa nito na nakatutulong sa sektor ng paggawa.
“Ang layunin ng DOLE, ang plano ay patuloy na palakasin ang mga prog­ramang nakabatay at nakapaloob sa Labor and Employment Plan (LEP) 2023-2028 na siya namang nagbibigay-buhay sa Philippine Development Plan 2023-2028,” wika niya.
“Nais po naming tiyakin na ang mga prayoridad, estratehiya, at programa na ihanda ang ating mga manggagawa, lalo na ang mga kabataan, ay gagampanan po ng DOLE,” dagdag niya.

Previous articleKarnaper na TMWP sa bansa, arestado
Next articlePDEA AGENTS INIIMBESTIGAHAN SA TANIM EBIDENSYA