MANILA, Philippines- May karapatan din sa 13th month pay ang mga household helper o “kasambahay,” sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employer nitong Huwebes.
Inihayag ni Labor Undersecretary Benjo Benavidez na mandato ito sa ilalim ng Republic Act No. 10361 o ang Kasambahay Law, na ipinasa noong 2013.
Ang mga karapat-dapat ay dapat na nagtrabaho o nakapanilbihan sa employer ng hindi bababa sa isang buwan at ang komputasyon ay parehas ng 13th month pay ng mga manggagawa sa kompanya, sinabi ni Benavidez sa isang briefing.
Kamakailan ay naglabas ang DOLE ng labor advisory na nagpapaalala sa employers ng kanilang responsibilidad na magkaloob ng 13th month pay sa kanilang mga empleyado, na mandato sa ilalim ng Presidential Decree 851.
Maaari itong kalkulahin sa pamamagitan ng pagdaragdag ng lahat ng mga sweldo na natanggap mula sa employer sa isang taon at paghahati nito sa 12. Ang pagtatrabaho ng hindi bababa sa isang buwan ay kinakailangan upang maging karapat-dapat sa benepisyo.
“Ito ay para po sa rank and file employees. Ang ating pong mga supervisory at managerial ay under the presidential decree ay hindi po entitled sa tinatawag natin na 13th month pay,” ani Benavidez.
“Sa ating pong departamento at ahensya mayroon din po tayong mga contractual employees, ito po iyong empleyado po ng agencies, karamihan po dito ay empleyado ng security agencies, janitorial agencies, sila po ay saklaw ng Presidential Decree 851,” dagdag pa ng opisyal.
Pinaalalahanan ng DOLE ang employers sa posibleng kahihinatnan nito sakaling mapabayaan nila ang kanilang responsibilidad sa pagbibigay ng 13th month pay. Jocelyn Tabangcura-Domenden