Home HOME BANNER STORY DOLE: Taas-presyo ng mga bilihin nagbabadya sa dagdag-sahod ng mga manggagawa

DOLE: Taas-presyo ng mga bilihin nagbabadya sa dagdag-sahod ng mga manggagawa

MANILA, Philippines- Nagbabala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa nakaambang pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin at serbisyo sa gitna ng posibleng P100 legislative hike sa daily minimum wage.

Sinabi ni DOLE Secretary Bienvenido Laguesma na bagama’t siya ay sumasang-ayon na ang wage hike ay magtataas ng purchasing power ng mga manggagawa, nagbabala ang kalihim na maaring magkaroon din ito ng epekto sa micro at small businesses.

Ayon kay Laguesma, kapag may pag-uusap tungkol sa pagtaas ng sweldo ay  nakararamdam ng pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin.

Kaugnay nito, sinabi ni Laguesma na ang DOLE ay naghahanap ng posibleng interbensyon upang tulungan ang micro at small businesses sakaling tumaas ang minimum wage sa P100.

Aniya, ang nasabing interbensyon ay magtitiyak din na ang mga manggagawa ay mananatiling may trabaho sa kabila ng financial impact sa wage increase sa kanilang mga employers.

May mahigit 4 milyong minimum wage earners sa bansa, sinabi ni Laguesma, batay sa Philippine Statistics Authority (PSA) .

Sa kanyang panig, sinabi naman ni ECOP president Sergio Ortiz-Luis Jr. na ang micro business ay walang kapasidad na sundin ang panukalang minimum wage.

Ipinunto ni Ortiz-Luis na kahit walang interbensyon ang Senado, nagtatrabaho na ang regional wage boards at nire-review ang minimum wages taon-taon.

Noong Lunes, inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na magtataas ng arawang minimum na sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor ng P100.

Hindi kasama sa dagdag-sahod ang mga establisimyentong wala pang 10 empleyado, mga establisimyentong gumagamit ng kapital na P3 milyon pababa at mga establisimyentong nakarehistro sa ilalim ng Republic Act 9178.

Nasa P610 ang ksalukuyang arawang minimum na sahod sa National Capital Region (NCR). Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous article72 residente sa Agusan del Sur naospital sa pagsusuka, LBM
Next articleTeejay, pabitin sa kissing scene with Kelvin!