MANILA, Philippines – Umaasa si Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma na magkakaroon ng pagtaas ng daily minimum wage ang lahat ng rehiyon bago matapos ang taon.
Batay aniya ito sa mga aksyon na ginagawa ngayon ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs).
“Nakikita ko po sa direksyon ng kanilang ginagawang proseso baka hindi ho maglilipat taon, lahat po ng mga regions meron na pong adjustments,” sabi ni Laguesma sa Dobol B TV.
Kamakailan, inaprubahan ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) ang wage increase order na isinumite ng RTWPBs sa Cagayan Valley, Central Luzon, at Soccsksargen.
Ayon kay Laguesma, anim na rehiyon pa lamang ang nakatapos ng kanilang proseso—ang National Capital Region, Calabarzon, Central Visayas, Cagayan, Central Luzon, at Soccsksargen.
Sinabi ng kalihim na tatlong iba pang rehiyon ang nagsagawa ng public hearings na sinundan ng wage deliberation at issuance ng wage orders.
Ang pagtaas ng sahod ay maaaring resulta ng motu proprio act ng regional wage board o mga petisyon mula sa mga grupo ng manggagawa dahil sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ang bawat lupon, na binubuo ng mga kinatawan mula sa gobyerno, pamamahala, at mga sektor ng paggawa, ay nagsasagawa ng mga pampublikong pagdinig at mga deliberasyon sa sahod.
Ang mga retail o service establishment na regular na gumagamit ng hindi hihigit sa 10 manggagawa at negosyo na apektado ng mga natural na kalamidad at/o mga kalamidad na dulot ng tao ay maaaring mag-aplay para sa pagbubukod sa pagtaas ng sahod.
Hindi naman saklaw ang Barangay micro bussiness enterprises (BMBEs) ng minimum wage law,ayon sa DOLE. Jocelyn Tabangcura-Domenden