Home NATIONWIDE DOLE: Work suspension sa Aug. 25 depende sa employers

DOLE: Work suspension sa Aug. 25 depende sa employers

MANILA, Philippines- Sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) na ipinauubaya na sa mga pribadong kompanya ang pagpapasya kung sususpendihin nila ang trabaho sa Biyernes.

Ito kasunod ng deklarasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na suspendihin ang klase sa pampublikong paaralan at trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno sa Metro Manila sa pamamagitan ng Memorandum Circular No.27 para sa opening ceremonies ng Agosto 25 ng FIBA Basketball World Cup 2023 sa Philippine Arena sa bayan ng Bocaue.

Sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na iginagalang ng gobyerno ang prerogative ng pamamahala ng mga pribadong kumpanya hangga’t sumusunod ito sa mga batas, umiiral na mga patakaran at regulasyon.

Kasabay nito, binanggit ni Laguesma na ang “no work, no pay” policy ay ipinatutupad kapag ang isang empleyado ay hindi nag-report sa trabaho sa araw na hindi idineklara na holiday.

“The issuance is clear and self-explanatory so let’s allow the private sector to make their judgment. You are very much aware of the complaints of firms, especially small ones, about too many holidays already and paid days without productivity,” sabi pa ng labor chief.

Sinabi pa ni Laguesma na sa pribadong sektor ang prinsipyo ng ‘no work, no pay’ ay nalalapat maliban kung ito ay regular holiday o may umiiral na patakaran ng kompanya na kapaki-pakinabang sa mga manggagawa. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleEx-MIAA general manager dinepensahan ng DOTr
Next articleAlituntunin sa Civil Service exam sa Aug. 20, alamin