Home NATIONWIDE Donor ng P55M sa ‘EDSA-pwera’ TV ad, ayaw ilantad ng PIRMA

Donor ng P55M sa ‘EDSA-pwera’ TV ad, ayaw ilantad ng PIRMA

MANILA, Philippines- Nabigong ilantad ng lead convenor ng People’s Initiative for Modernization and Reform Action (PIRMA) ang donors’ list ng P55 million pro-Charter change (Cha-cha) television advertisement sa ginanap na Senate probe.

Sa kanyang testimonya, sinabi ni PIRMA lead convenor Noel Oñate sa Senate committee on electoral reforms and peoples’ participation na pinamumunuan ni Senador Imee Marcos, may ilang donor ang ayaw magpalantad ng kanilang pagkakailanlan dulot ng privacy at security concerns.

“They didn’t want their names divulged or revealed. The reason that they gave me is that they are concerned with their privacy, they are concerned with their security,” ayon kay Oñate.

Naunang hiniling ng ilang miyembro ng naturang komite na isumite ang dokumento na may kaugnayan sa “EDSA-pwera” advertisement na ipinalabas sa unang bahagi ng Enero na hiniling ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III.

“I had all the intention of fulfilling what I said. I think I told you that we will submit the list of the donors with my lawyers, but I obeyed what Senator Chiz [Escudero] mentioned here that, ‘maybe, you might want to consult your contributors’ which I did,” ayon kay Oñate.

Sinabi naman ni Alex Avisado, legal counsel ni Oñate, na napilitan ang kanyang kliyente na ibalik ang ilang kontribusyon sa donor dahil ayaw nilang ipalantad ang kanilang pangalan.

Kinumpirma ito ni Oñate: “Yes, that’s what I did.”

Aniya, kumuha siya ng halagang P28 milyon mula sa personal bank account upang punan ang donasyon na binawi ng ilang contributor na ayaw magpalantad ng pangalan.

Pero iginiit ni Marcos na mayroon nang subpoena na ipinadala sa PIRMA upang magsumite ng actual cost ng signature forms, list of donors, proof of payment of donors’ tax, invoice at official receipt sa television ad.

Kinuwestiyon din ng ilang senador ang sinasabing pagtanggi ng ilang donor na mailatad ang kanilang pangalan sa naturang advocacy na dapat sanang ipagmalaki.

“Ang sa akin lang, Mr. Oñate, nu’ng pumasok sila sa ganitong advocacy, ‘di ba dapat ready na sila at proud to say na pinaglalaban nila itong Charter change, itong people’s initiative. So parang nakakagulat na all of the sudden, hindi na sila naniniwala sa advocacy na pinondohan nila,” ayon kay Senador Nancy Binay.

Iginiit naman ni Senador Risa Hontiveros na dapat ilantad ng donor ang kanilang pangalan, maliban na lamang kung talagang iba ang funder.”

Sa nakaraang pagdinig, inamin ni Oñate na nakipag-usap siya kay House Speaker Martin Romualdez sa pangangalap ng 3% ng lagda kada congressional district para sa people’s initiative ng Cha-cha. Ernie Reyes

Previous articleDavao de Oro landslide pinaiimbestigahan sa Kamara
Next articleSa halip na rosas, bigas ibigay ngayong Valentine’s Day – DA