MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Department of Information and Communications Technology (DICT) noong Firday na na-hack ang mga sistema ng Department of Science and Technology (DOST) at Philippine National Police (PNP).
“Dito sa DOST, we confirm na mukhang breaches nga ito. Ang inisyal na ulat ay mayroong ilang data ng mga eksperto, [personal identifiable information] ng mga eksperto,” ani DICT Undersecretary Jeffrey Ian Dy sa isang interbyu.
“Meron din kasing report sa PNP, pero iyan ay sobrang luma naman iyan so kumbaga hina-hype lang nila pero lumang tugtugin na rin iyon,” dagdag ni Dy.
Bagama’t “mapanganib” ang data breach para sa mga eksperto, sinabi ni Dy na ang data leak ay “isang small scale type”.
Ayon sa kanya, nasa 10,000 talaan ng mga eksperto ang na-leak. Aniya, kumukuha ang DOST ng mga eksperto mula sa publiko at pribadong sektor.
Sinabi naman ni Dy na patuloy nilang pinoprotektahan at binabantayan ang iba pang mahahalagang impormasyon mula sa datos ng DOST.
Kabilang sa mga ito ang mga pagsisikap sa pananaliksik at pagpapaunlad ng departamento.
Sinabi niya na ang ilan sa mga ito ay ibinibigay sa mga pribadong kumpanya para sa komersyal na paggamit.
Nauna rito, napaulat na tinamaan ng cyber attack ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) at Philippine Statistics Authority (PSA), na nagresulta rin sa pag-leak ng ilan sa kanilang data.
Sinabi ni Dy na pareho ang mga suspek na nag-post at nag-leak ng data mula sa PSA at DOST.
Ayon kay Dy, natanggap na ng DICT ang ulat tungkol sa pag-hack ng DOST system noon pang Setyembre. Aniya, prayoridad lang ng departamento ang pagtugon sa isyu sa PhilHeath at PSA. RNT